Pagkatapos ng mga dakilang kapistahan ng Banal na Sangtatlo at Katawan at Dugo ni Kristo, ipinagdiriwang ng Iglesya ang ika-12 Linggo ng Panahong May-bilang. Para sa Linggong ito ang larawan ni Jesus bilang Panginoon ng Dagat ay inihahandog sa Liturhiya upang pagnilayan. Nuong Kapistahan ng Pag-akyat sa Langit, nabasa natin kung paanong si Jesus na Muling Nabuhay ay naging Panginoon sa Langit at sa Lupa. Sa Mateo 28:18 (na binasa nuong kapistahan ng Banal na Sangtatlo) sinabi ni Jesus na ibinigay na sa Kanya ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. Sa pag-uumpisa ng siklo ng mga pagbasa para sa Panahong May-bilang, ang ala-ala ng mga apostol tungkol sa isang himala na ginawa ni Jesus sa dagat ay ginawa ni Markos na isang katekismo tungkol sa kalagayan ni Jesus. Bagaman ang Panginoon ay nakaluklok na sa kanan ng Ama, siya pa rin ay patuloy na kasama ng kanyang mga alagad. Sa salaysay ni Markos, ang Panginoon na hindi nakikita ngayon ay katulad ni Hesus na natutulog noon sa bangka: sa gitna ng mga pagsubok, kailangan lamang siyang tawagan ay ibibigay niya ang kapayapaan sa mga alagad na naghahanap nito.
Ang Teksto
Ihambing ang sumusunod na salin ng Markos 4:35-41 sa salin na iyong hawak pagkatapos mong gumawa ng Daloy ng mga Parirala batay sa mga talata nito.
35Sa araw na iyon, nang gumabi na, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: Tumawid tayo sa kabilang ibayo ng dagat. 36Kaya nga, nang napauwi na nila ang napakaraming tao, sumakay sila sa bangka na kinalululanan ni Jesus. Ngunit may kasabay siyang ibang maliliit na bangka. 37At dumating ang malakas na bagyo. Sinasalpok ng mga alon ang bangka na anupa’t halos mapuno ito ng tubig. 38Si Jesus ay nasa hulihan at natutulog na may unan. Ginising nila siya at sinabi: Guro, bale wala ba sa iyo na tayo ay mapahamak?
39Pagbangon ni Jesus, kaniyang sinaway ang hangin at sinabi: Tumahimik ka! At sinabi niya sa alon: Pumayapa ka! Tumigil ang hangin at nagkaroon ng lubos na kapayapaan.
40Sinabi niya sa kaniyang mga alagad: Bakit kayo lubhang natakot? Paano nagkagayon na wala kayong pananampalataya?
41Nagkaroon nga sila ng matinding takot at nagsabi sila sa isa’t isa. Sino nga ba ito? Maging ang hangin at alon ay tumatalima sa kaniya.
Mga Tanong Tungkol Sa Teksto
- Ano ang ginagawa ni Jesus bago mangyari ang mga kaganapang isinalaysay ni Markos?
- Anong oras na nuong yayain ni Jesus ang mga kasama na umalis?
- Saan sila pupunta?
- Ano ang kanilang sinakyan?
- Meron bang ibang sasakyan noon?
- Aling sasakyan ang mahalaga para kay Markos?
- Ano ang nangyari sa dagat nang sila’y tumatawid na?
- Ano naman ang nangyari sa sasakyan nina Jesus?
- Ano ang ginagawa nuon ni Jesus?
- Ano naman ang nararamdaman ng mga alagad? Sila ba ay panatag?
- Ano ang ginawa ni Jesus nang siya’y bumangon? Normal ba para sa isang tao ang ginawa ni Jesus? Sa Bibliya, ang ginawa ba ni Jesus ay ginagawa ng tao?
- Pareho ba ang kahulugan ng salitang “takot” sa talata 40 at talata 41?
- Ano ang reaksyon ng mga alagad sa sinabi ni Jesus?
Para sa mas malalim na pag-unawa ng teksto
1. Pansining mabuti ang mga sumusunod
(b) ang mga pagkakaiba ng mga alagad at ni Hesus sa harap ng “kaguluhan” ng dagat
(c) ang utos ni Jesus sa dagat (ang dagat ba ay inuutusan?)
2. Pansinin ang mga talatang makikita sa pahinang ito at alamin
(b) ang kasagutan sa tanong ng mga alagad: “Sino nga ba ito? Maging ang hangin at alon ay tumatalima sa kaniya?”




[...] Gumising Ka, Panginoon (Markos 4:35-41 ) The Bible Workshop [...]