Ang Markos 10:13-16 ay isang mahalagang talata sa ebanghelyo. Ito ay maaaring paliwanag sa gawi ng Iglesya na magbinyag ng mga batang paslit. Ito rin ang talatang pinili para sa Kapistahan ng Santo Nino, kapistahan kung saan inaalala na
(a) tayo’y naging mga anak ng Diyos dahil kay Kristo
(b) ang Diyos Anak ay nagkatawang-tao upang yaong mga nakasadlak sa dilim ay makatagpo ng bagong pag-asa
( c) na ang Iglesya ay para pa ring isang paslit na dapat arugain at palakihin upang ito’y maging ganap kay Kristo Hesus
Ang Teksto
13Dinala nila kay Jesus ang maliliit na bata upang mahipo niya, ngunit sinaway ng mga alagad ang nagdala sa mga bata. 14Subalit lubhang nagalit si Jesus nang makita ito. Sinabi niya sa kanila: Pahintulutan ninyong lumapit sa akin ang mga bata at huwag ninyo silang hadlangan, sapagkat sa mga katulad nila nauukol ang paghahari ng Diyos. 15Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Ang sinumang hindi tumanggap sa paghahari ng Diyos nang tulad sa isang maliit na bata ay hindi makakapasok doon sa anumang paraan. 16At niyakap ni Jesus (ang mga bata) at nang maipatong ang kaniyang mga kamay sa mga ito, pinagpala niya sila.
Gawan ng daloy ng parirala ang siping ito mula sa Markos 10:13-16. Alamin kung ano ang mga pandiwang nagdadala ng daloy ng kwento.
Pansinin ang mga sumusunod
1. Ano ang lubhang ikinagalit ni Hesus?
2. Madalas ba siyang magalit ng ganun? Alamin kung ang reaksyon ni Hesus sa pagkakataong ito ay naging reaksyon din niya sa iba pang pagkakataon.
3. Ano ang sinabi ni Hesus tungkol sa mga bata at kaharian ng Diyos? Meron pa bang ibang pagkakataon kung saan ipinaliwanag niya ang kaugnayan ng mga bata sa kaharian ng Diyos?
Para sa mas malalim na pag-unawa sa teksto
1. Alamin kung ano ang pagtingin sa mga maliliit na bata sa Palestina ng unang siglo. Sila ba ay mahalaga sa pagtingin ng mga tao nuon?
2. Sino ang nagdala ng mga bata kay Hesus? Babae kaya o mga lalaki? Mga ina kaya o mga ama? Ipaliwanag ang iyong sagot.
3. Tama ba na pagsabihan ng mga alagad ang mga nagdala sa mga bata?
4. Kung ang dahilan ng pagdadala ng mga batang paslit ay ang binyag, ano ang sagot ni Hesus sa mga nagsasabing ito’y hindi pwede?




One Response to “Hayaan ninyo ang mga bata”
Trackbacks/Pingbacks
Leave a Reply