Sa unang Linggo ng Taong May-Bilang ay ating ipinagdiriwang ang Kapistahan ng Pagbibinyag kay Jesus. Isinasakasalukuyan natin ang isang yugtong mahalaga sa buhay ni Jesus. Sa pagkakasulat ni Mateo, ito ang pormal na pagpapakilala ng Diyos Ama sa kanyang Anak. Noong panahon ng Kapaskuhan, binasa natin ang mga salaysay ng pagkapanganak ni Jesus. Ngayon ay nakikita natin si Jesus bilang isang binata na ipinapakilala, hindi na ng mga propeta, kundi ng Tinig ng Amang Maka-langit.
Ang Teksto
13 Dumating si Jesus sa Ilog Jordan mula sa Galilea upang magpabautismo kay Juan. 14 Ngunit tumututol si Juan at patuloy na sinabi, “Ako po ang dapat magpabautismo sa inyo! Bakit kayo nagpapabautismo sa akin?” 15 Subalit sumagot si Jesus, “Hayaan mo ito ang mangyari ngayon; sapagkat ito ang nararapat nating gawin upang matupad ang kalooban ng Diyos.” Kaya’t pumayag din si Juan.
16 Nang siya’y mabautismuhan, umahon si Jesus sa tubig. Biglang nabuksan ang langit at nakita ni Jesus ang Espiritu ng Diyos na bumababang parang isang kalapati at dumapo sa kanya. 17 At isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan!”
Mga Tanong Tungkol sa Teksto
- Saan pumunta si Jesus? Saan siya galing? Ano ang kanyang pakay?
- Para saan ang bautismo ni Juan? Si Jesus ba ay makasalanan? Gusto ba ni Juan na bautismuhan siya? Sino ayon kay Juan ang dapat mag-bautismo?
- Ano ang sagot ni Jesus sa kanya?
- Pagkatapos mabautimuhan si Jesus, ano ang nangyari? Sino ang nakakita nito?
- Ano ang kahulugan ng pagdapo ng Espiritu ng Diyos kay Jesus? Ano ang kaibahan ng “pagdapo” sa “pagbaba”?
- Sino ang kinakausap ng Tinig sa pagpapakilala ng kanyang Anak?
Para Sa Mas Malalim na Pag-unawa
1. Ihambing ang mga salaysay ng bautismo ni Jesus na matatagpuan sa mga ebanghelyo nina Mateo, Markos at Lukas (tingnan ang pahinang ito)
2. Anu-ano ang pagkakatulad at pagkakaiba ng mga salaysay?
3. Pansinin na may yugto na matatagpuan kay Mateo nguni’t hindi makikita kay Markos at Lukas: Ano yun? Ano sa palagay mo at idinagdag ni Mateo ang ala-alang iyon?



