Ang ika-apat na Linggo ng Pascua ay tinatawag na Linggo ng Mabuting Pastol. Kung sa ikalawang Linggo ng Pasqua ay binigyan nating ng pansin ang Presensya ni Jesus sa mga alagad na nangakakatipon, at sa ikatlong Linggo naman ay ang kanyang Presensya habang isinasagawa ng mga alagad ang kanilang misyon bilang mga mangingisda ng tao, ngayon ay itinutuon natin ang paningin sa Presensya ni Jesus para sa bawa’t alagad. Siya ang Mabuting Pastol na nangangalaga sa bawa’t isa sa kanyang mga tupa na kanyang kilala sa pangalan, tinatawag niya’t sumusunod sa Kanya. Samakatwid, kapag tumatawag tayo sa Panginoon bilang ating Pastol, binibigyan natin ng diin ang kanyang personal na pakikipag-ugnayan sa bawa’t binyagan. “Ang Panginoon ang aking Pastol”, sabi natin ayon sa mga salita ng Awit 23. Sabi sa I Pedro:
Sa kanyang pagkamatay sa krus, pinasan niya ang bigat ng ating mga kasalanan upang tayo’y mamatay na sa kasalanan at mamuhay ayon sa kalooban ng Diyos. Kayo’y pinagaling na sa pamamagitan ng kanyang mga sugat. Sapagkat kayo ay tulad ng mga tupang naliligaw, ngunit ngayon kayo’y nanumbalik na upang sumunod sa Pastol at Tagapangalaga ng inyong mga kaluluwa. (1 PedRomans 2:24-25)
“Pastol at Tagapangalaga ng inyong mga kaluluwa”. At dahil siya ang nangangalaga, sino pa nga ba ang mapapahamak?
Ang Teksto
Basahin ang mga talatang sumusunod sa loob ng konteksto ng Juan 10:1-39.
25 Sumagot si Jesus, Sinabi ko na sa inyo, ngunit ayaw ninyong maniwala. Ang mga ginagawa ko sa pangalan ng aking Ama ang nagpapatotoo tungkol sa akin. 26 Ngunit ayaw ninyong maniwala sapagkat hindi kayo kabilang sa aking mga tupa. 27 Nakikinig sa akin ang aking mga tupa; nakikilala ko sila, at sumusunod sila sa akin. 28 Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan. Kailanma’y hindi sila mapapahamak at hindi sila maaagaw sa akin ninuman. 29 Ang aking Ama na siyang nagbigay sa kanila sa akin ay lalong dakila sa lahat, a at hindi sila maaagaw ninuman sa aking Ama. 30 Ako at ang Ama ay iisa.
Mga Katanungan Tungkol Sa Teksto
- Sino ang kausap ni Jesus sa mga talatang ito?
- Paano ang paliwanag ni Jesus sa hindi pagsampalataya sa kanya ng mga kausap?
- Sino ang mga kabilang sa tupa ni Jesus? Paano nalalaman na ang isang tao ay matatawag na tupa ni Jesus? (Mayroon silang tatlong kakanyahan)
- Ano ang ibinibigay ni Jesus sa kanyang mga tupa?
- Nasa mabuting kalagayan ba ang mga tupa ni Jesus? Sila ba ay mapapahamak?
- Ang mga tupa ni Jesus ba ay mailalayo kay Jesus? (Ano ang masasabi nating tungkol sa mga napalayo kay Jesus? Wala na bang pag-asang sila’y mapalapit pa sa kanya? Ipaliwanag ang iyong sagot.)
- Sino ang nagbigay ng mga tupa kay Jesus?
- Sinabi ni Jesus sa t.28 na walang aagaw sa mga tupa niya. Sa t. 29 sinasabi niyang walang aagaw sa mga tupang nasa pag-iingat ng Ama. Meron bang kontradiksyon sa dalawang talata?
Para Sa Mas Malalim na Pag-unawa
1. Basahin ang Juan 10:1-21. Paanong isinasalarawan ni Jesus ang kaugnayan niya at ng kanyang tupa?
2. Basahin ang mga talata sa mga Kasulatan tungkol sa Pastol ng Israel. Ang mga sumusunod ay ilang halimbawa lamang:
- Awit 78:70-71
- Jeremiah 3:15
- Ezek. 34:11
Alin sa mga ito ang katulad ng sinabi ni Jesus sa t. 30: “Ako at ang Ama ay iisa”?
3. Basahin at pagnilayan ang Awit 23.



