Noong gabing siya’y ipagkanulo, nang matapos niyang hugasan ang paa ng mga alagad, nagbigay si Jesus ng isang bagong kautusan sa kanyang mga alagad: “Mag-ibigan kayo; kung paanong inibig ko kayo, gayon di’y mag-ibigan kayo.” “Walang pag-ibig ang nakakahigit dito” sabi niya, “na ialay ng isang tao ang kanyang buhay para sa isang kaibigan.” Tinutukoy niya dito ang kanyang nababadyang pag-aalay ng buhay sa krus — ang modelo ng pag-ibig na kanyang hinihingi sa kanyang mga alagad.
Ang Teksto
31 Pagkaalis ni Judas ay sinabi ni Jesus, Ngayo’y mahahayag na ang karangalan ng Anak ng Tao, at sa pamamagitan niya ay mahahayag din ang karangalan ng Diyos. 32 At kapag nahayag na ang karangalan ng Diyos sa pamamagitan ng Anak ng Tao, ang Diyos naman ang maghahayag ng karangalan ng Anak, at ito’y gagawin niya agad. 33 Mga anak, kaunting panahon na lamang ninyo akong makakasama. Hahanapin ninyo ako, ngunit sinasabi ko sa inyo ngayon ang sinabi ko noon sa mga Judio, Hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko.
34 Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo ngayon, mag-ibigan kayo! Kung paano ko kayong inibig, gayundin naman, mag-ibigan kayo. 35 Kung kayo’y mag-iibigan, makikilala ng lahat na kayo’y mga alagad ko.
Mga Katanungan Tungkol sa Teksto
- Kailan sinabi ni Jesus ang mga nilalaman ng talata?
- Saan pumunta si Judas? Anong oras na nuong siya’y umalis? Maliwanag pa ba ang araw nuon?
- Ayon kay Jesus, anong kaganapan ang magaganap na?
- Paano mahahayag ang karangalan ng Anak? Saan ito mangyayari? Ito ba ay may kaugnayan sa kanyang nalalapit na kamatayan? (Ipaliwanag ang iyong sagot.)
- Kailan sinabi ni Jesus sa mga Judio: “Hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko”?
- Anong utos ang ibinigay ni Jesus sa mga alagad? Anong uri ng pag-ibig ang kanyang hinihingi? Ang pag-ibig bang ito’y kasing kahulugan ng “pakikipagkaibigan”?
- Ano ang dapat na katulad ng pag-ibig na ito? Kaninong halimbawa ang dapat tularan sa pag-ibig na hinihingi?
- Paanong makikilala ng lahat ang mga alagad?
Para Sa Mas Malalim na Pag-unawa
1. Basahin ang malapitan at malayuang konteksto ng mga talata sa Juan 13:31-35.
- Pansinin na ang mga talata 31-35 ay nasa pagitan ng pag-alis ni Judas para isakatuparan ang kanyang balakin at ang hungkag na pangako ni Pedro na matatapos sa pagtatatuwa nito.
- Basahin din ang Juan kapitulo 12 at 17 at hanapin ang mga katagang natutulad sa tt. 31-32. Ang tema ng karangalan ni Jesus ay matatagpuan din sa Juan 8:21-59
2. Kumuha ng diksyunaryong pam-bibliya at hanapin ang kahulugan ng mga katagang ito:
- pag-ibig
- kaluwalhatian/karangalan (sa pagkakagamit ni Juan)



