Ang Mateo 5:38-48 ay katuloy ng mga talata 5:17-37. Dito’y makikita pa rin ang istrukturang “Noo’y narinig ninyo … ngayon nama’y sinasabi ko.” Katulad ng atin nang nabanggit, itinuturo ni Jesus dito kung paanong magkaroon ng katarungang mas mataas pa kaysa katarungan ng mga eskriba at mga Pariseo. Sa kanyang mga turo tungkol sa batas ng paghihiganti at sa utos na mahalin ang kapwa, sinasabi ni Jesus na paano man ang pag-trato ng ibang tao sa mga alagad, ang ganti ay dapat laging kabutihang-loob. Sa gayon ay matutulad ang alagad sa Ama sa langit.
Ang Teksto
43 “Narinig ninyong sinabi, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa at kamuhian mo ang iyong kaaway.’ 44 Ngunit ito naman ang sinasabi ko, ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo, 45 upang kayo’y maging tunay na mga anak ng inyong Ama na nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa mabubuti gayon din sa masasama, at nagpapaulan siya sa mga matuwid at sa mga di-matuwid.
46 “Kung ang mga nagmamahal sa inyo ang siya lamang ninyong mamahalin, anong gantimpala ang inyong maaasahan? Hindi ba’t ginagawa rin iyan ng mga maniningil ng buwis? 47 At kung ang mga kapatid lamang ninyo ang inyong binabati, ano ang ginagawa ninyong higit kaysa iba? Hindi ba’t ginagawa rin iyan ng mga Hentil? 48 Kaya maging ganap kayo, gaya ng inyong Ama na nasa langit.”
Mga Tanong Tungkol sa Teksto
1. Sa paghihiganti ba, pinag-iisipan pa kung ang igaganti ay tamang-tama lamang sa sama ng loob na tinanggap?
2. Ang kautusan bang “mata sa mata, ngipin sa ngipin” ay makatarungan?
3. Ayon kay Jesus, ano ang gagawin kung sasampalin ka sa kanang pisngi?
4. Ayon kay Jesus, ano ang gagawin kung isasakdal ka para makuha ang iyong damit?
5. Ayon kay Jesus, ano ang gagawin kung utusan ka ng isang manlulupig na pasanin ang kanyang dala ng isang milya?
6. Ayon kay Jesus, dapat mo bang tanggihan ang sinumang uutang sa iyo?
7. Ano ang tawag mo sa nang-aapi’t umaalimura sa iyo? Kaibigan ba?
8. Ano ayon kay Jesus ang dapat gawin sa isang kaaway?
9. Ano ang dapat gawin — ayon kay Jesus — sa mga umuusig sa iyo?
10. Ang Diyos Ama, inaalagaan ba niya ang mga umiibig sa kanya? Inaalagaan ba niya ang mga hindi naniniwala sa kanya?
11. Sa ating pag-ibig sa kaaway, tumutulad ba tayo sa Diyos?
12. Ayon kay Jesus, paano nagiging “ganap” tulad ng Diyos?
Para sa Mas Malalim na Pag-unawa
1. Ang sinabi ni Jesus tungkol sa pagiging ganap gaya ng Ama sa langit ay dapat unawaing kasama ng sinabi niya tungkol sa pagkakaroon ng katarungang mas mataas pa kaysa katarungan ng mga eskriba at Pariseo. Kaya nga ang “kaganapan” na binabanggit ni Jesus dito ay iyong kaganapang nakabatay sa progresibong pagkakatugma ng pag-iisip ng isang tao sa kalooban ng Diyos. Sinasabi nating “progresibo” dahil patungo sa kaganapan.
2. Ang “batas ng paghihiganti” (talion law) ay sinadya para mabigyan ng limitasyon ang paghihiganti — nang ito ay hindi sumobra at maging angkop sa ginawang sala. Para sa Panginoon, ang ganti sa kahit anong pagmamalabis ng kapwa ay kabutihang loob.
(a) Ang sampal sa kanang pisngi ay sampal mula sa kaliwang kamay, na isang insulto, dahil ang kaliwang kamay ay ginagamit sa paglilinis pagkatapos dumumi.
(b) Ang balabal na nais ni Jesus na ibigay kung ang isa’y masakdal dahil sa damit ay ginagamit na “all-purpose jacket”. Ginagamit din itong kumot o banig sa pagtulog.
(c) Ang sundalong Romano (ang manlulupig) ay may karapatang mag-utos sa isang nasasakupan na dalhin ang kanyang mga dala-dala, tulad ng ginawa ng mga sundalo kay Simon Cyrenaeo nang iatas nila ritong buhatin ang krus ni Jesus. Sa mga pagkakataong ganito, sinasabi ni Jesus na kung inatasang magpasan ng isang milya, tatanggapin ito ng alagad at bubuhatin ng dalawang milya.
Sa mga biling ito, ang ganting hinihingi ni Jesus ay kabutihang-loob. Ito rin ang gagawin sa mga umuutang. Sila’y hindi dapat pagkakaitan.
3. Ang pag-ibig sa kapwa — ayon sa Levitico 19 — ay ang pag-ibig sa kapwa Israelita. Para kay Jesus, ang pag-ibig ay dapat ding ipakita kahit sa mga kaaway. Sa mga Kristiyano, ang mga kaaway ay silang mga umuusig sa kanila. Kahit dito ang Panginoon ay malinaw: mahalin ang kaaway, ipanalangin ang mga umuusig. Sa gayo’y nagiging katulad ng Ama sa langit ang mga alagad.



