Sa ika-26 na Linggo (OT B) ay ipinagpapatuloy ang pagtuturo ni Hesus sa mga alagad na natitipon sa bahay sa Cafarnao. Ang mga turo ni Hesus sa pagkakataong ito ay kasagutan niya sa sumbong ng magkapatid na Santiago at Juan.

Ang Teksto

38 Sinabi sa kanya ni Juan, “Guro, nakakita po kami ng isang taong nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng inyong pangalan. Pinagbawalan namin siya dahil hindi natin siya kasamahan.”

39 Ngunit sinabi ni Jesus, “Huwag ninyo siyang pagbawalan sapagkat ang taong gumagawa ng himala sa pamamagitan ng pangalan ko ay hindi agad magsasalita ng masama laban sa akin. 40 Sapagkat ang sinumang hindi laban sa atin ay panig sa atin. 41 Tandaan ninyo: ang sinumang magbigay sa inyo ng isang basong tubig dahil sa kayo’y tagasunod ko ay tiyak na tatanggap ng gantimpala.”

42 “Mabuti pa sa isang tao ang siya’y bitinan sa leeg ng isang malaking gilingang-bato at itapon sa dagat kaysa maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito na nananalig sa akin. 43-44 Kung ang kamay mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito! Mas mabuti pa ang magkaroon ng buhay na putol ang isang kamay, kaysa may dalawang kamay na mapunta ka sa impiyerno, sa apoy na hindi namamatay. 45-46 Kung ang paa mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito! Mabuti pa ang magkaroon ng buhay na putol ang isang paa, kaysa may dalawang paa na mapunta ka sa impiyerno. 47 At kung ang isang mata mo ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito! Mabuti pang pumasok ka sa kaharian ng Diyos na kulang ng isang mata, kaysa may dalawang matang itapon ka sa impiyerno. 48 Doo’y hindi namamatay ang mga uod at ang apoy.

49 “Sapagkat ang bawat isa’y dadalisayin sa apoy. 50 Mabuti ang asin, ngunit kung ang asin ay mawalan na ng alat, paano pa ito mapapaalat muli? Maging kagaya kayo ng asin, at mamuhay kayong mapayapa sa isa’t isa.”

Mga Tanong Tungkol sa Teksto

  1. Nasaan si Hesus nang sabihan ni Santiago at Juan?
  2. Ano ang ginagawa ng taong pinagbawalan ni Santiago at Juan?
  3. Bakit siya pinagbawalan ni Santiago at Juan?
  4. Sa paningin ni Hesus tama ba o mali ang ginawang pagbabawal sa tao? Ano ang dahilang sinabi ni Hesus sa kanila?
  5. Ano ang kaugnayan ng sinabi ni Hesus tungkol sa tubig na ibibigay sa mga alagad at ang mga sumusunod:
    1. pakikibaka laban sa kaharian ni Satanas
    2. ang Krus na bubuhatin ng mga alagad
    3. ang pakikiisa ng mga alagad kay Kristo sa kanyang pagsusumakit?
  6. Sino ang mga “maliliit” ? (t. 42)
  7. Ano ang dapat gawin sa mga magbibigay ng iskandalo sa mga maliliit? Ano ang ibig sabihin ng salitang iskandalo sa orihinal nitong kahulugan? (Tingnan ang salin sa “Ang Bibliya”)
  8. Ano ang mas maiging mangyari sa mga bahagi ng katawan na magdadala sa kasalanan? Dapat bang unawaing literal ang mga kataga sa 43-47? Ipaliwanag ang iyong sagot.
  9. Ano ang Gehenna? Ano ang itinatapon sa Gehenna? Bakit hindi natatapos ang apoy doon? Bakit hindi nawawalan ng uod?
  10. Ano ang mga gamit ng asin sa Palestina ng unang siglo? Bakit kailangang tumulad sa asin? Ano ang kaugnayan ng asin sa buhay ng binyagan?

Para sa mas malalim na pag-unawa

1. Alamin ang mga kahulugan ng mga salitang sumusunod mula sa mga lathalaing ibinibigay sa pahinang ito:

(a) Gehenna
(b) Asin
(c) Ang mga Alay na Sinusunog

2. Bigyan ng pansin ang mga sumusunod
(a) Ang kaugnayan ng mga sinasabi ni Hesus sa mga tt. 38-49 sa mga talata tungkol sa kadakilaan.
(b) Ang ibig sabihin ng “asin” sa tt. 48-49: iisa lamang ba ang kahulugan ng salitang ito sa mga talatang ito?
(c) Ang kaugnayan ng tt. 38-40 sa pakikibaka laban sa kaharian ni Satanas. Ano ba ang dapat maghari sa mga magkakasamang nakikipaglaban sa kaharian ni Satanas? Ano ang dapat nilang ipakita sa bawa’t isa?

Tags: , , , ,

Leave a Reply

*

AWSOM Powered