rubens-lastday-cropped

May mga grupo sa ating panahon na nakikinabang sa pagkatakot ng marami sa wakas ng panahon. May mga hula rin tungkol sa kung kailan magwawakas ang daigdig at mga pelikula na ibinatay sa ganitong mga hula. Bukod dito ay may mga tao rin na sila na raw ang Anak ng Tao na tumanggap ng kapangyarihan mula sa Diyos para sa mga panahong ito. Ang Panginoong JesuCristo mismo ang nagsasabi sa atin na bagama’t nandyan na ang mga palatandaan ng Kanyang pagdating at ng paglapit ng Paghahari ng Diyos na ating ipinapanalangin araw-araw, kailangang maging maingat ang mga alagad; na sila’y hindi dapat magpapadala sa takot o mabagabag. Ito’y sa kadahilanang ang pagwawakas ng panahon ay tanda lamang ng mas magagandang bagay na inihanda na niya para sa mga umaasa sa Kanya. Ang mahalaga’y maging handa sa pag-uusig na darating.

Ang Teksto ng Lukas 21:5-19

5 May ilang tao namang nag-uusap tungkol sa Templo. Pinag-uusapan nila ang naglalakihan at magagandang batong ginamit dito at ang mga palamuting inihandog ng mga tao. Kaya’t sinabi sa kanila ni Jesus, 6 "Darating ang panahon na ang lahat ng nakikita ninyong iyan ay iguguho, at walang matitirang magkakapatong na mga bato."

7 Tinanong nila si Jesus, "Guro, kailan po mangyayari iyon? At ano ang magiging palatandaang iyon ay magaganap na?"

8 Sumagot si Jesus, "Mag-ingat kayo upang hindi kayo mailigaw ninuman! Marami ang darating sa aking pangalan at magsasabi, ‘Ako ang Cristo,’ at, ‘Dumating na ang panahon!’ Huwag kayong maniniwala sa kanila. 9 Huwag kayong mababagabag kung makabalita man kayo ng mga digmaan at mga rebelyon. Dapat munang mangyari ang mga iyon subalit hindi darating kaagad ang wakas." 10 At sinabi pa niya, "Maglalaban-laban ang mga bansa at magdidigmaan ang mga kaharian. 11 Magkakaroon ng malalakas na lindol, taggutom at mga salot sa iba’t ibang dako. May lilitaw na mga kakila-kilabot na bagay at mga kamangha-manghang kababalaghan buhat sa langit.

12 "Ngunit bago mangyari ang lahat ng ito, kayo’y dadakpin at uusigin. Kayo’y lilitisin sa mga sinagoga at ipabibilanggo. At dahil sa pagsunod ninyo sa akin, isasakdal kayo sa harap ng mga hari at mga gobernador. 13 Iyon ang pagkakataon ninyo upang makapagpatotoo tungkol sa akin. 14 Ipanatag ninyo ang inyong kalooban at huwag kayong mabahala kung paano ninyo ipagtatanggol ang inyong sarili, 15 sapagkat bibigyan ko kayo ng katalinuhan at ng pananalitang hindi kayang tutulan o pabulaanan ng sinuman sa inyong mga kaaway. 16 Ipagkakanulo kayo ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan; at ipapapatay nila ang ilan sa inyo. 17 Kapopootan kayo ng lahat dahil sa pagsunod sa akin, 18 ngunit hindi kayo malalagasan kahit isang hibla ng buhok. 19 Sa inyong pagtitiis ay maililigtas ninyo ang inyong buhay."

Daloy ng Parirala

Mga Tanong Tungkol sa Teksto

  1. Nasaan si Jesus sa salaysay na ito? Sino ang kanyang mga kasama? Ano ang kanilang ginagawa?
  2. Ano ang sinabi ni Jesus sa mga taong humahanga sa ganda ng Templo?
  3. Maganda ba para sa mga Judio na sabihing mawawasak ang kanilang Templo? Meron bang propeta sa Lumang Tipan na nagsabing ang Templo ay mawawasak? Ano ang reaksyon sa kanya ng kanyang mga tagapakinig? Dahil ba sa kanyang sinabi ay naging katanggap-tanggap siya sa kanyang mga kababayan?
  4. Ayon kay Jesus ano ang mga palatandaan na mangyayari nga ang kanyang sinabi?
  5. Ano dapat ang gagawin kapag mayroong dumating at magsabing "Ako ang Cristo" at "Dumating na ang panahon"? Dapat bang maniwala sa kanila? May dumating na bang nagsasabi ng ganito?1
  6. Kung makabalita ng mga digmaan at mga rebelyon, dapat bang mabagabag?
  7. Meron bang mga grupong gumagamit ng mga hula ng Panginoon upang manakot at magsabing sumali sa kanilang Iglesya?
  8. Darating ba agad ang wakas kapag may mga balita tungkol sa digmaan at rebelyon, mga paglalaban-laban ng mga bansa’t kaharian at salot sa lahat ng dako?
  9. Bago magkaroon ng mga kakila-kilabot at kamangha-manghang kababalaghan sa langit, ano muna ang mangyayari?
  10. Ang pag-uusig ba na daranasin ng Iglesya ayon sa Panginoon ay ang wakas ng Iglesya? O ito ba’y pagkakataon para sa Iglesya upang gawin ang kanyang misyon?
  11. Sa pagkakataong ito, dapat bang mabahala at mawalan ng kapanatagan?
  12. May mga halimbawa ba sa Kasulatan ng ibibigay na "katalinuhan" ng Panginoon?2
  13. Magiging madali ba ang pag-uusig na magaganap? Tatanggap ba ng tulong ang mga alagad sa kanilang mga pamilya at kaibigan?
  14. Ano ang dahilan ng poot na daranasin ng mga alagad?
  15. Sila ba’y hahayaan ng Panginoon? Mapapahamak ba sila?
  16. Sa mga panahon ng kagipitang mararanasan sa mga panahon ng pag-uusig, paano maliligtas ang alagad?

Para sa mas malalim na pag-unawa

st-tag.luke21_5-36

1. Basahin ang kabuuan ng Lukas 21:5-36 at pansinin ang istruktura ng talata (I-klik ang imahen para ito’y palakihin). Mapapansin na ang tt. 8-25 ay isinaayos sa paraang ang tema ng pag-uusig ng mga alagad ay napapagitnaan ng tema ng pagdating ng mga Mesiyas na magliligaw (8) — pagdating ng tunay na Mesiyas (25-28), at ng tema ng digmaan, salot, makalangit na kababalaghan (9-11) — makalangit na kababalaghan, kaguluhan sa daigdig (25-26).

2. Pansinin na ang pagkawasak ng Templo at ng Jerusalem (Kaharian ng Tao) ay tanda ng paglapit ng Kaharian/Paghahari ng Diyos. Ipinapanalangin natin "Mapasaamin nawa ang Kaharian mo". Sa paglapit ng Kaharian ng Diyos ay napapalapit na rin ang pagsasakatuparan sa ating minimithing paghahari ng Diyos.

3. Sa iyong palagay, nagdatingan na ba ang mga "Mesiyas" na magliligaw sa mga alagad? Ito rin ay isang palatandaan na malapit ng dumating ang tunay na Mesiyas. Kung kaya’t ang alagad ay hindi dapat nagpapaniwala sa mga nagsasabing "Ako na siya" (tulad ni Quiboloy) o nananakot at nagsasabing kailangang sumapi sa kanila dahil dumating na ang panahon (ng "rapture"). Kailangang "mag-ingat" sabi ng Panginoon.

4. Basahing maigi ang mga tt. 12-19. Sinasabi ng Panginoon na hindi niya pababayaan ang kaniyang mga alagad na isasakdal dahil sa Kanya. Ang panahon ng panggigipit at pag-uusig sa Iglesya ay pagkakataon din upang magawa ng alagad ang kanyang misyon: ang pagsaksi sa Panginoon.


  1. Mayroon na. Noong panahong buhay pa ang mga naunang alagad ay dumating si Bar-Kochba. Sa panahon natin, nandyan si Quiboloy na nagsasabing siya daw ang Anak ng Tao sa katawan ng isang Hentil.
  2. May mga halimbawa na matatagpuan sa mga huling araw ni Jesus sa Jerusalem. Dito ay ipinamalas niya ang isang uri ng karunungan na hindi kayang tutulan o pabulaanan ng mga nakikipagtalo sa kanya. Makikita rin ang isa pang halimbawa sa mga salaysay tungkol kay Esteban at ni Pablo sa Gawa. Tingnan: Gawa 7 at 23 bilang halimbawa.

Leave a Reply

*

AWSOM Powered