Ang Muling Pagkabuhay at Pag-akyat sa Langit ni Jesus ay mga yugto sa pagluluwalhati sa Kanya. Umakyat ang Kristong Muling Nabuhay at iniluklok sa kanan ng Ama upang maghari sa buong sansinukob at maging Ulo ng kanyang Katawan, ang Iglesya. Tuwing ipinapahayag natin ang ating pananampalataya sinasabi nating doon — sa kanan ng Ama — ay magmumula Siya para sa paghuhukom sa Kanyang muling pagdating.

Ang Teksto ng Lukas 24:46-53

Sinabi niya sa kanila, “Ganito ang nasusulat: kinakailangang maghirap at mamatay ang Cristo; at pagkatapos, siya’y muling mabubuhay sa ikatlong araw. 47 Sa kanyang pangalan, ang pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan ay dapat ipangaral sa lahat ng bansa, magmula sa Jerusalem. 48 Kayo ang mga saksi sa mga bagay na ito. 49 Tandaan ninyo, isusugo ko sa inyo ang ipinangako ng aking Ama, kaya’t huwag kayong aalis sa Jerusalem hangga’t hindi kayo napagkakalooban ng kapangyarihang mula sa langit.”

50 Pagkatapos ng mga ito, sila’y isinama ni Jesus sa labas ng lunsod. Pagdating sa Bethania, itinaas niya ang kanyang mga kamay at sila’y binasbasan. 51 Habang iginagawad niya ito, siya nama’y lumalayo paakyat sa langit. 52 Siya’y sinamba nila at pagkatapos ay masayang-masaya silang bumalik sa Jerusalem. 53 Palagi silang nasa Templo at doo’y nagpupuri sa Diyos.

Mga Tanong Tungkol sa Teksto

  1. Saan at kailan sinabi ni Jesus ang talata 46? Sino ang kanyang sinabihan?
  2. Ano ang nasusulat na naganap na? Ano ang dapat ipangaral sa lahat ng bansa? Saan magmumula ang pangangaral? Ano ang nasaksihan ng mga kausap ni Jesus?
  3. Ano ang isusugo ni Jesus na ipinangako ng kanyang Ama? Hanggang kailan mananatili sa Jerusalem ang mga alagad? Ano ang kaganapang binabanggit ni Jesus sa talata 49?
  4. Saan dinala ni Jesus ang mga alagad pagkatapos niyang magsalita? Sa anong lugar itinaas ni Jesus ang kamay upang basbasan ang kanyang mga kasama? Sino ang kilala ninyong tagaroon sa pook na iyon?
  5. Ano ang nangyari habang iginagawad ni Jesus ang pagbabasbas?
  6. Ano ang ginawa ng mga naiwan ni Jesus? Saan sila pumunta? Malungkot ba sila o masaya sa kanilang pag-alis? Saan tumuloy ang mga alagad? Ano ang ginawa nila roon? Sa anong lugar nag-umpisa ang ebanghelyo ni Lukas?

Para sa Mas Malalim na Pag-unawa

Basahin ang mga sumusunod na talata at paghambingin ang nilalaman ng mga ito:

  • Lukas 24:50-53
  • Mga Gawa 1:1-11
  • Mateo 28:16-20

Anu-ano ang pagkaka-iba ng mga salaysaying ito?
Ang Mateo 28:16-20 bagama’t binabasa rin sa Kapistahan ng Pag-akyat ni Jesus ba ay bumabanggit ng pag-akyat ni Jesus sa langit? Ano ang meron dito na wala sa mga salaysay ni Lukas?

Leave a Reply

*

AWSOM Powered