Ang pagtalikod sa kasalanan na kasabay ang pagyakap kay Cristo ay ang dalawang mukha ng pagbabagong-buhay kay Cristo. Sa ikatlong Linggo ng Cuaresma ipinapaalala sa atin na ito ay isa sa mga aspeto ng buhay Kristiyano. Nuong unang Linggo ng Cuaresma, ipinaalala sa atin ang panata natin na talikuran si Satanas, ang kanyang mga gawa at mga kasinunganlingan. Noong nakaraang Linggo, ipinakita sa atin na ang luwalhati ng Muling Pagkabuhay ay makakamit lamang kung makikiisa tayo sa kamatayan sa Krus ng Panginoon. Ang pagtalikod kay Satanas ay hindi ganap kung hindi natin yayakapin ang Krus ng Panginoon. Ang patuloy na pagbabagong-buhay kay Cristo ay tulad ng pag-akyat sa isang mataas na bundok: hangga’t hindi siya nakakaabot sa ituktok ang umaakyat ay hindi dapat titigil.
Ang Teksto
1 Dumating noon ang ilang tao at ibinalita kay Jesus na ipinapatay ni Pilato ang ilang mga taga-Galilea habang ang mga ito’y naghahandog sa Diyos. 2 Sinabi niya sa kanila, “Akala ba ninyo, dahil sa sinapit nilang iyon, higit silang masama kaysa sa ibang mga taga-Galilea? 3 Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo, malibang magsisi kayo’t talikuran ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong lahat. 4 At ang labing-walong namatay nang mabagsakan ng tore sa Siloe, sa akala ba ninyo’y higit silang makasalanan kaysa sa ibang naninirahan sa Jerusalem? 5 Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo, malibang magsisi kayo’t talikuran ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong tulad nila.”
6 Sinabi pa sa kanila ni Jesus ang talinhagang ito. “May isang taong may tanim na puno ng igos sa kanyang ubasan. Minsan, tiningnan niya kung may bunga ang puno, ngunit wala siyang nakita. 7 Dahil dito, sinabi niya sa tagapag-alaga ng ubasan, ‘Tatlong taon na akong pumaparito at naghahanap ng bunga sa punong ito, ngunit wala akong makita. Putulin mo na’t nakakasikip lang iyan!’ 8 Ngunit sumagot ang tagapag-alaga, ‘Huwag po muna nating putulin ngayon. Huhukayan ko po ang palibot at lalagyan ng pataba, 9 baka sakaling mamunga na sa susunod na taon. Kung hindi pa, saka po ninyo ipaputol.’ ”
Mga Katanungan Tungkol Sa Teksto
- Sino ang dumating na nakipag-usap kay Jesus? Tungkol saan ang balita na kanilang dala? Ang balita ba ay maganda? Inisip ba ng mga nagtanong na may mga kasalanan ang mga pinapatay ni Pilato? Ipaliwanag ang iyong sagot.
- Ano ang tugon ni Jesus sa mga nagbalita sa kanya?
- May idinagdag si Jesus na isa pang trahedya: tungkol saan ito? Saan matatagpuan ang Siloe?
- Tungkol saan ang talinghaga: ito ba ay tungkol sa puno ng igos, o tungkol sa tagapag-alaga nito? Ipaliwanag ang iyong sagot.
Para Sa Mas Malalim na Pag-unawa
1. Ang mga tinuran ni Jesus sa ibinalita sa kanya ang dapat bigyan ng halaga sa mga talatang ito:
(a) ” malibang magsisi kayo’t talikuran ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong tulad nila.”
(b) Ang talinghaga ng tagapag-alaga ng ubasan.
2. Ang mga trahedya isinalaysay sa Lukas 13:1-9 ay mga kaganapan sa panahon ni Jesus: ang mga taga-Galilea na pinapatay ni Pilato habang naghahandog, at ang mga nabagsakan ng tore ng Siloe. Ang mga pangyayari ay kapwa naganap sa Jerusalem. Ihambing ang mga trahedyang ito sa mga alam mo ring naganap na mga pangyayari ngayon sa iyong panahon: ang mga nasalanta ng bagyong Ondoy, kunwari o ang lindol sa Haiti. Ano ang iyong reaksyon sa mga pangyayaring ito? Sumagi rin ba sa iyong isip na baka ang mga taong namatay sa trahedya ay higit na makasalanan kaysa sa iyo?
3. Pag-aralang mabuti ang talinghaga: Ihambing ang reaksyon ng may-ari ng ubasan at ang tagapag-alaga nito. Ano ang sinasabi ng talinghaga sa mga taong nagsasabing ang mga makasalanan sa Iglesya ay dapat itiwalag agad? Sino sa palagay mo ang tinutukoy sa katauhan ng tagapag-alaga ng ubasan?




Leave a Reply