Minsan ay narinig ko ang isang Pastor na nagsabing ang mga kasapi ng Iglesya na nagkakasala ay dapat lamang na itiwalag. Nguni’t ito ba ay kagustuhan ng Panginoon? Sa Mateo 13:24-43 ay makakatagpo ng isang talinghaga tungkol sa paghahalo ng mga mabuti at masasama sa loob ng Iglesya ng Panginoon hanggang sa araw ng paghuhukom.

Ang Teksto

Basahin na lamang ang mga talata ng Mateo 13:24-43 sa pahinang ito.

Ang mga talata ay maaarin hatiin sa mga sumusunod na bahagi:

  • Ang Talinghaga ng mga Mabubuting Binhi at Masasamang Damo (tt. 24-30)
  • Ang Talinghaga ng Binhing Maliit Nguni’t Nagiging Malaking Halaman (tt. 31-32)
  • Ang Talinghaga ng Pampaalsa (t.33)
  • Ang Patalinghagang Pagtuturo ni Jesus (tt. 34-35)
  • Ang Paliwanag Tungkol sa Talinghaga ng Mabubuting Binhi at Masasamang Damo (tt. 36-43)

Mga Tanong tungkol sa Teksto

  1. Sa ano inihalintulad ni Jesus ang kaharian ng langit?
  2. Mga mabubuting binhi lamang ba ang naitanim sa bukid ng magsasaka?
  3. Sino ang nagtanim ng mapanirang damo?
  4. Nalaman ba ng may-ari ng bukid ang ginawa ng kanyang kaaway? Sino ang nagsabi sa kanya? Paano nalaman ng mga utusan na ang mapanirang damo ay hindi tanim ng kanilang amo?
  5. Ipinabunot ba agad ng amo ang mga damong mapanira?
  6. Kailan paghihiwalayin ang mga bunga ng mabuting binhi sa mga damo?
  7. Sino ang mga uutusan na gumawa ng paghihiwalay na ito?
  8. Ipinaliwanag ba agad ni Jesus ang talinghagang ito? Kailan niya ipapaliwanag ang talinghaga?
  9. Meron pa bang mga talinghagang sinabi si Jesus? Tungkol saan ang mga talinghagang ito? Saan pa inihahalintulad ni Jesus ang kaharian ng langit?
  10. Malaki ba ang binhi ng mustasa sa Palestina noong panahon ni Jesus?
  11. Gaano kalaki ang halamang nagmumula sa binhi ng mustasa?
  12. Mayroon ka bang naaalalang talata sa mga Kasulatan kung saan may tinutukoy na lugar na pinamamahayan ng mga ibon? 1
  13. Ano ang ginagawa sa pampaalsa? Sa ano ito inihahalo?
  14. Kung si Jesus ay nagtuturo, ito ba ay laging patalinghaga?
  15. Madali bang unawain ang talinghaga?
  16. May naaalala ka bang mga talata kung saan sinasabi ni Jesus na ipapaliwanag niya ang mga talinghaga sa mga alagad?2
  17. Ang pagpili ni Jesus ng pagpapahayagan, ito ba’y kalooban ng Diyos?
  18. Sino ang nagtanim ng mabubuting binhi sa talinghaga?
  19. Sino naman ang kanyang kaaway?
  20. Ano ang bukid ng Panginoon? 3
  21. Sa Iglesya ba ay magkakahalo ang mabubuti’t masasama?
  22. Nahahalata ba agad na magkahalo ang mga ito?
  23. Dapat bang itiwalag kaagad ang mga masasama?
  24. Kailan mangyayari ang paghihiwalay ng mga mabuti at masama?
  25. Ano ang gagawin sa mga masasama?
  26. Ano ang mangyayari sa mga mabubuti?

Para sa mas malalim na pag-unawa

1. Pinaghintay ng mag-ari ng bukid hanggan sa anihan ang paghihiwalay ng mga trigo sa mga damong mapanira sapagka’t sa oras na iyon ay magkakaroon na ng bunga ang mga trigo samantalang ang mga damong mapanira ay mananatiling walang bunga.

2. Ang dalawang talinghaga — tungkol sa mustasa at tungkol sa pampaalsa — ay tungkol sa kung paanong tumutubo ang “mabuting binhi” ng Panginoon. Sa talinghaga ng binhi ng mustasa, ang diin ay sa laki ng halamang nagmumula sa binhing maliit. Ang pagbanggit sa mga ibong naninirahan sa mga sanga ng halaman ay tumutukoy sa Salmo 84, 3 — tungkol sa ibong nakakapamahay sa tahanan ng Diyos. Ang talinghaga ng binhi ng mustasa ay tungkol sa Iglesya — ang bagong Templo ng Diyos — na nag-uumpisa sa maliliit nguni’t lumalaganap naman sa buong mundo at pinaninirhan ng sari-saring mga tao.

Ang talinghaga tungkol sa pampaalsa ay tungkol sa paglago ng kaharian mula sa kaloob-looban ng tao. Ito’y nagsisimula sa puso. Kaya nga ang kaharian ng langit ay parang pampaalsa na “inihahalo” sa ilang bakol ng harina at nagpapalago rito.

3. Ang mga salita ng Sal. 78,2 na sinitas sa t. 35 ay isa sa mga “kaganapan ng mga Kasulatan” na binabanggit ni Mateo sa kabuuan ng kanyang ebanghelyo. Ang mga sikreto ng Diyos ay ihahayag ni Jesus sa mga talinghaga nang sa gayon silang mga napili lamang ang makakaunawa nito. Pakinggan ang podcast na ito tungkol sa Mateo 13:1-23.


  1. Salmo 84:3. Kahit ang ibon ay nakakapamahay sa tahanan ng Diyos
  2. Mateo 11:25-27, 13:11-17
  3. Ang Iglesya

Leave a Reply

*

AWSOM Powered