Ang salitang "Adbiyento" ay tinagalog na "Adventus", isang salitang Latin na ang kahulugan ay "pagdating". Ito ay isa sa mga "malalakas na panahon" ng taong liturhiko. Kung ang buhay Kristiyano ay isang liga ng basketbol, ang "malalakas na panahon" ay isang "training camp" na kung saan ang manlalaro ay sinasanay sa isang aspeto ng laro. Sa "Adbiyento", ang binibigyan ng diin ay ang paghihintay sa muling pagdating ng Panginoon. Dito ay inaako nating muli ang malaking pagnanasa ni Juan Bautista, ni Maria at ng mga "anawim" — silang walang ibang maaasahan kungdi ang Panginoon — sa pagdalaw ng Diyos. Kung kaya naman ang panalangin ng Iglesya sa mga panahong ito ay "Maran atha", "Halika na Panginoon".
Ang Teksto ng Ebanghelyo
36 "Ngunit walang nakakaalam ng araw at oras ng pagsapit niyon, kahit ang mga anghel sa langit o maging ang Anak man. Ang Ama lamang ang nakakaalam nito. 37 Ang pagdating ng Anak ng Tao ay tulad sa pagdating ng baha noong panahon ni Noe. 38 Nang mga araw na iyon, bago bumaha, ang mga tao’y nagsisikain, nag-iinuman, at nagsisipag-asawa hanggang sa pumasok si Noe sa barko. 39 Hindi nila namamalayan ang nangyayari hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat. Gayundin ang mangyayari sa pagdating ng Anak ng Tao. 40 Sa panahong iyon, may dalawang lalaking nagtatrabaho sa bukid, kukunin ang isa at iiwan ang ikalawa. 41 May dalawang babaing nagtatrabaho sa gilingan, kukunin ang isa at iiwan ang ikalawa. 42 Kaya’t maging handa kayo dahil hindi ninyo alam kung kailan darating ang inyong Panginoon. 43 Tandaan ninyo ito: kung alam ng may-ari ng bahay kung anong oras sa gabi darating ang magnanakaw, siya’y maghahanda at hindi niya pababayaang pasukin ang kanyang bahay. 44 Kaya’t lagi kayong maging handa, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo nalalaman."
Mga Tanong Tungkol sa Teksto
- May tao ba o mga tao na makakaalam kung kailan ang oras ng pagsapit ng Anak ng Tao?
- Noong panahon ni Noe ba ay nakapaghanda ang mga tao sa bahang darating?
- Ano ang kanilang ginagawa noong mga araw na iyon bago dumating ang baha?
- Anong mangyayari sa mga taong magkakasama sa araw na iyon?
- May naaalala ka bang talata kung saan pinaghihiwalay ang mga tao sa mga huling araw?1
- Ano ang dapat gawin ng Kristiyano sa mga panahong ito ng huling araw?2
- Sa normal na kalagayan ba’y alam mo kung ikaw ay nanakawan?
- Kung alam mo na ikaw ay nanakawan sa ganitong oras ng gabi at ikaw ay nanakawan pa rin, ano ang tawag sa iyo?
- Kung alam mo kung kailan aakyatin ng magnanakaw ang iyong bahay, ano ang iyong gagawin?
- May naaalala ka bang talata kung saan ang pagdating ng Panginoon ay tulad ng magnanakaw?3
Para sa mas malalim na Pag-unawa
1. Ang tanong na sinasagot ng mga talatang ito ay ang "kailan" ng pagdating na muli ng Anak ng Tao. Pansinin ang unang talata: may tao bang nakakaalam kung kailan darating na muli ang Panginoon?
2. Basahin ang mga naunang talata, tt. 32-33. Ang panahon ng pagdating ng Anak ng Tao ay hindi tulad ng panahon o oras na nakalagay sa kalendaryo o iyong natutunghayan sa orasan. Ang kanyang "panahon" ay katulad ng "tag-araw": darating ito, kung napa-panahon na.
3. "Maging handa kayo". Iyan ang pagkakasalin ng TPV sa salitang "gregoreite". Sa literal na pagkakasalin, ang ibig sabihin nito’y "magbantay" o "manatiling gising". Ito ang ginagawa ng mga pastol sa magdamagang pagbabantay sa mga tupa. Kaya nga inihalintulad ang paghahanda ng mga alagad sa pagbabantay ng may-ari ng bahay sa isang magnanakaw.




Thank you, I know reading alone cannot replace the obligation to attend the Holy Mass but on the daily basis; this site helps me to anchor myself. God Bless you even more to the developer of this site and Congratulations for being a light.
Balik ka lang uli, Lemar. Ang bait talaga niya.