Email This Page Email This Page
angfrayle on April 29th, 2009

Kung sa ika-apat at ikalimang Linggo ng Panahon ng Pagkabuhay ay ipinaalam Niya kung paano Niya tinitingnan ang kanyang mga alagad, dito sa ika-anim na Linggo ay sinasabi Niya sa mga alagad kung paanong manatili sa Kanyang pag-ibig. Sa mga talata 9-17 ng Juan ay ipinapaalam ng Iglesya ang kanyang buhay sa piling ni Hesus at ng Ama. Ito ay pamumuhay ayon sa mga salita’t utos ng Panginoon, mga salitang — ayon na rin kay Pedro — ay nagbibigay ng buhay na walang-hanggan (Juan 6:68). Ang utos ng Panginoon ay hindi naman mahirap tandaan: “Magmahalan kayo”. Ang pag-ibig na kanyang hinihingi ay iyong pag-ibig na kung saan kahit buhay ay ibibigay para sa isang kaibigan. Ang krus na kung saan ipinakita ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin (1 Juan 4:9) ang siya ring modelo ng pag-ibig ng mga alagad para sa bawa’t isa (1 Juan 4:11, Juan 15:12).

Ang Teksto

1. Basahin ang mga talata 9-17 sa konteksto ng naunang mga talata. Ano ang kaalamang idinadagdag ng mga talatang ito sa mga nauna?
2. Pansinin na may mga salitang-susi sa talata 9-17 na hindi nakita sa tt. 1-8. Anu-ano ito?

3. Sa kabuuan ng mga talata mula 1-17, bakit kailangang tumalima sa mga salita at utos ng Panginoon?
4. Ang kaibigan bang nagbigay ng buhay para sa iyo ay madaling kalimutan? Paano mo bibigyan ng halaga ang ala-ala ng Panginoon?

9Kung papaanong inibig ako ng Ama ay gayon ko rin kayo inibig. Manatili kayo sa aking pag-ibig. 10Kung tutuparin ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa aking pag-ibig. Tulad ko, tinupad ko ang mga utos ng aking Ama at nanatili sa kaniyang pag-ibig. 11Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo upang ang aking kagalakan ay manatili sa inyo. Gayundin naman, ang inyong kagalakan ay malubos.

12Ito ang aking utos: Kayo ay mag-ibigan sa isa’t isa gaya ng pag-ibig ko sa inyo. 13Wala nang hihigit pang pag-ibig kaysa rito, na ang isang tao ay mag-alay ng kaniyang buhay para sa kaniyang mga kaibigan. 14Kayo ay aking mga kaibigan kapag ginawa ninyo ang anumang inuutos ko sa inyo. 15Hindi ko na kayo tinatawag na mga alipin sapagkat hindi alam ng alipin ang ginagawa ng kaniyang panginoon. Sa halip ay tinawag ko kayong mga kaibigan sapagkat ang lahat ng narinig ko sa aking Ama ay ipinaaalam ko sa inyo.

16Hindi ninyo ako hinirang ngunit ako ang humirang sa inyo at nagtalaga sa inyo. Ang dahilan ay upang kayo ay humayo at mamunga at ang inyong bunga ay manatili. At anumang ang inyong hingin sa aking Ama sa pangalan ko ay ibibigay niya sa inyo. 17Ang mga bagay na ito ay iniuutos ko sa inyo upang kayo ay mag-ibigan sa isa’t isa.

Mga Katanungan Tungkol Sa Teksto

  1. Ano pang mga salita ang katumbas ng Tagalog na “manatili”?
  2. Ano ang kondisyong ibinigay ng Panginoon para manatili sa Kanyang pag-ibig?
  3. Ano ang kaugnayan ng pananatili sa kanyang pag-ibig at pananatili sa Kanya? Pareho lang ba ito?
  4. Paano maging kaibigan ng Panginoon? Paano mo mapapatunayan na nais mo siyang Kaibigan?
  5. Ang pakikipagkaibigan ba sa Panginoon ay katulad ng ordinaryo mong pakikipagkaibigan?
  6. Mahalaga ba ang maging mabunga sa ating pakikipagkaibigan sa Panginoon?
  7. Anong bunga ba ang hinihingi niya?
  8. Sa pakikipagkaibigan ba sa Panginoon ay may kaugnayan pa tayo sa Ama?
  9. Ano ang dahilan at tinawag ng Panginoon na “kaibigan” ang kanyang mga alagad?
  10. Anong uri ng pag-ibig ang hinihingi ng Panginoon sa kanyang mga kaibigan?
  11. Anong uri ng buhay ba ang nais ng Panginoon para sa kanyang mga kaibigan?
  12. Ano ang kaugnayan ng mga talata ng 9-17 sa dalawang dakilang utos na mababasa sa iba pang ebanghelyo?
  13. Sino ba ang naunang magpakita ng pag-ibig: ikaw ba o ang Panginoon?
  14. Sa paanong paraan ipinakita ng Diyos ang kanyang pag-ibig para sa atin?

Para sa mas malalim na pagunawa sa Teksto

1. Pansinin na ang mga salita ng Panginoon sa Juan 15 ay matatagpuan sa konteksto ng Juan 13, ang huling hapunan, kung saan ipinakita niya ang halimbawa ng pag-ibig sa pamamagitan ng paghuhugas ng paa ng mga alagad.

2. Ang mga alagad ay pinasasali ng Panginoon sa buhay Niyang kasama ang Ama. Tandaan na sa Juan 10:30 pa lamang ay sinabi na Niyang siya at ang Ama ay iisa. Ito’y uulitin Niyang muli sa kanyang tugon sa sinabi ni Felipe sa Juan 14:8-14

3. Sa Juan 6:68, sinabi ni Pedro: “Nasa iyo ang mga salitang nagbibigay ng buhay na walang-hanggan.” Kung ganyan ang salita ng Panginoon, ang kanyang mga salita at utos na tinutukoy sa Juan 15 ay kondisyon para magkaroon ng tunay na buhay.

4. Itinaas ng Panginoon ang antas ng mga alagad sa Juan 15:14-15. Sa Juan 20:17 ay tatawagin niya sila ng “mga kapatid” (tingnan din ang Hebrews 2:11) . Tayo ay nasa antas na ng “mga kapatid”, hindi lang kaibigan o alagad.

5. Basahin din ang 1 Juan 4:7-5:4 para sa mga talatang natutulad sa Juan 15:9-17 [o ang artikulong ito.]

Hebrews 2:11
View in: NAB NIV KJV NJB Vulg Greek
11For both he that sanctifieth, and they who are sanctified, are all of one. For which cause he is not ashamed to call them brethren, saying:

4 Responses to “Manahan Kayo Sa Aking Pag-ibig (Juan 15:9-17)”

  1. this is my first time to come across this site. looks very interesting…thanks

  2. You are welcome

  3. Congrats sa internet ministry mo Padre! Maganda, informative at inspiring. More power to your ministry! God bless

  4. Salamat!

Trackbacks/Pingbacks

Leave a Reply

You will be able to edit your comment after submitting.