Email This Page Email This Page
angfrayle on September 22nd, 2009

Ang salaysay tungkol sa bulag na si Bartimaeo ay isang salaysay tungkol sa isang mahimalang pagpapagaling na marahil ay nagmula kay Bartimaeo mismo at isinulat ni Marcos bilang isang salaysay ng pananampalataya. Kung wawariin ang salaysay, makikitang hindi na ito mukhang mahimalang pagpapagaling. Imbes na may gawin si Jesus upang pagalingin ang bulag, sinabi lamang niya na ang pananampalataya niya ang nagpagaling sa kanya. Ito rin ang sinabi ni Jesus sa babaeng inaagasan ng dugo (Markos 5:34) nguni’t ito’y sinabi niya matapos hipuin ng babae ang kanyang damit. Si Bartimaeo ay hindi hinipo ni Jesus tulad ng kanyang ginawa sa bulag ng Betsaida (Markos 8:23.25). Isa pang pagkakaiba’y hindi tinawag ang pansin ni Jesus sa kondisyon ni Bartimaeo; si Bartimaeo pa nga ang nagsisigaw upang mapansin at siya pa nga’y pinipigilan ng mga taong nanduon. Dito’y binibigyang-diin ni Markos ang pananampalataya ng bulag na bagama’t pinipigilan ay hindi naman nasupil.

Ang Teksto

46 Dumating sina Jesus sa Jerico. Nang papaalis na siya sa Jerico kasama ang kanyang mga alagad at marami pang iba, may nadaanan silang isang bulag na nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos. Siya’y si Bartimeo na anak ni Timeo. 47 Nang marinig ng bulag na ang nagdaraan ay si Jesus na taga-Nazaret, sumigaw siya nang sumigaw, “Jesus, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!” 48 Pinagsabihan siya ng mga taong naroroon upang tumahimik, ngunit lalo pa siyang nagsisigaw, “Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!”

49 Tumigil si Jesus at kanyang sinabi, “Dalhin ninyo siya rito.” At tinawag nga nila ang bulag. “Lakasan mo ang iyong loob. Tumayo ka. Ipinapatawag ka ni Jesus,” sabi nila.

50 Inihagis niya ang kanyang balabal, paluksong tumayo at lumapit kay Jesus. 51 “Ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo?” tanong sa kanya ni Jesus. Sumagot ang bulag, “Guro, gusto ko pong makakitang muli.” 52 Sinabi ni Jesus, “Kung gayon, magaling ka na dahil sa iyong pananampalataya.” Noon di’y nakakita siyang muli, at sumunod kay Jesus.

Mga Tanong Tungkol sa Teksto

  1. Saan papunta si Jesus nang magkita sila ni Bartimaeo?
  2. Sino si Bartimaeo?
  3. Paanong nalaman ni Bartimaeo na nanduon is Jesus?
  4. Ano ang kanyang ginawa? Ano ang kanyang sinabi?
  5. Tinulungan ba siya ng mga tao?
  6. Napansin ba siya ni Jesus? Ano ang ginawa ni Jesus?
  7. Nang mapansin siya ni Jesus ano ang ginawa ng mga tao?
  8. Ano ang ginawa ni Bartimaeo? Ano ang nangyari sa kanyang balabal? Nasaan ba ang balabal nang ipatawag siya ni Jesus? Ano sa palagay mo ang nasa balabal? “Excited” pa si Bartimaeo na ipatawag siya ni Jesus?
  9. Ano ang pakay ni Bartimaeo sa pagtawag kay Jesus? Natanggap ba niya ang kanyang pakay?
  10. Nagpatuloy pa ba sa pamamalimos si Bartimaeo pagkatapos niyang makaniig si Jesus? Ano ang kanyang ginawa? May pagkakatulad ba ang ginawa ni Bartimaeo sa ginawa ng biyenan ni Pedro nang ito ay pagalingin ni Jesus?

Para sa mas malalim na pag-unawa

1. Gawin ang mga mungkahi sa pahinang ito at pag-aralan ang ilang mga salita na maaaring makatulong sa mas malalim na pag-unawa ng teksto.

2. Sa pag-aanalisa ng teksto, tingnang maigi ang mga detalye ng salaysay lalo na’t kapag ito’y naiiba sa mga salaysay ng isang mahimalang pagpapagaling.

3. Sa huli’y naglakad si Bartimaeo sa likod ni Jesus tungo sa Jerusalem. Ang pagsunod ni Bartimaeo kay Jesus ay pagsunod ng isang alagad na nakakakitang mabuti kung kaya’t nakakasunod na kay Jesus kahit sa Krus ng Biyernes Santo.

Leave a Reply

You will be able to edit your comment after submitting.