Email This Page Email This Page
angfrayle on May 26th, 2009

Utos ng Panginoon na bautismuhan ang lahat sa Ngalan ng Ama, Anak at Espiritu Santo. Ang utos na ito’y isasagawa ng Kanyang Iglesya hanggang sa katapusan ng daigdig (t. 20). Ang bawa’t Kristiyano ay bininyagan upang makibahagi sa buhay ng Diyos. Ito ang kagustuhan ng Ama, na binigyang katuparan ng Anak na ibinigay sa atin ang kanyang Espiritu upang kahit tayo ay makatawag sa Ama ni Hesus na “Abba.”

Ang Teksto ng Mateo 28:16-20

Para sa Dakilang Kapistahan ng Banal na Sang-tatlo ipinababasa ng Iglesya ang Mateo 28:16-20. Basahing mabuti ang talata at alamin kung bakit ito ang napiling ipabasa sa pagkakataong ito.

16Ang labing-isang alagad ay pumunta sa Galilea, sa bundok na itinuro sa kanila ni Jesus.
17Nang makita nila si Jesus,

sinamba nila siya.
Ngunit ang iba sa kanila ay nag-alinlangan.

18At lumapit si Jesus at nagsalita sa kanila, na sinasabi:

Lahat ng kapamahalaan ay ibinigay sa akin sa langit at sa lupa.
19Humayo nga kayo. Gawin ninyong alagad ang lahat ng mga bansa,
inyong bawtismuhan sila
sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Banal na Espiritu.
20Turuan ninyo sila na ganapin ang lahat ng mga bagay na aking iniutos sa inyo.
At narito, ako ay kasama ninyo sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng kapanahunang ito.

Mga Tanong Tungkol Sa Teksto

  1. Bakit pumunta ang labing-isang alagad sa Galilea? Sa aling bundok sila pumunta?
  2. Kailan sinabi ni Hesus na sila’y pumunta sa bundok?
  3. Ano ang ginawa ng mga alagad nang makita nila si Hesus?
  4. Lahat ba’y nanampalataya kay Hesus?
  5. Ano ang sinabi sa kanila ni Hesus?
  6. Sa mga sinabi ni Hesus, anu-ano ang patuloy na isinasagawa ngayon ng Iglesya?

Para Sa Pag-Unawa ng Teksto

“Bautismuhan ninyo sila sa Ngalan ng Ama, ng Anak, ng Espiritu Santo.” Ang pormularyo ng rito ng binyag na hanggang ngayon ay ginagamit ng Iglesya ang pinakamalinaw na pruweba na bago pa lamang naisulat ang mga ebanghelyo ay mayroon ng pananampalataya sa Banal na Sang-tatlo. Sa pormulang ito para bagang sinasabi na kapag narinig ng Kristiyano ang salitang “Diyos”, ang nasa isip dapat niya’y ang “Ama”, “Anak”, at “Espiritu Santo”. Kahit ang mga Hudyo magpa-hangga ngayon, ang tawag nila sa Diyos ay “Ang Ngalan” dahil nga ayaw nilang mabanggit ang banal na Pangalan ng walang kabuluhan. Para sa mga Kristiyano, “Ang Ngalan” ay ang Ama, Anak at Espiritu Santo.

Pansinin na ang pananampalataya sa Banal na Sangtatlo ay may kaugnayan sa binyag, ang sakramento ng pagiging anak ng Diyos. Sa ikalawang pagbasa para sa Kapistahan ng Banal na Sangtatlo ay ipinapaliwanag ni Pablo ang katotohanang nais na maipa-alam sa pormula ng rito ng binyag.

Ang lahat ng nagpapadala sa Espiritu ng Diyos ay mga anak ng Diyos. Sapagka’t hindi ibinigay sa inyo ng Diyos ang Espirit upang kayo’y gawing mga aliping namumuhay sa takot. Sa halip, ay ibinigay sa inyo ang Espiritu upang kayo’y gawing mga anak ng Diyos kaya nga’y nakakatawag tayo sa kanya ng “Abba” “Ama ko!”. Ang Espiritu ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu na tayo’y mga anak ng Diyos. At yamang mga anak, tayo’y mga tagapagmana at kasamang tagapagmana ni Kristo. Sapagka’t kung tayo’y kasama niya sa pagtitiis, tayo’y makakasama sa kanyang kaluwalhatian.

Ang pananampalataya sa Banal na Sang-tatlo ay hindi tungkol sa “isang tatlo o tatlong isa”1. Ang mga Kristiyano’y nanampalataya sa isang Diyos na ipinapakilala ang sarili sa haba ng kasaysayan ng Kaligtasan bilang Ama na Lumikha sa Lahat, Anak na Isinugo upang maging Katubusan ng Kasalanan, Espiritu na pumapatnubay sa lahat tungo sa kaganapan ng paghahari ng Diyos. Ang Diyos ay Ama, Anak at Espiritu Santo tayo’y ninais niyang makasama sa kanyang buhay, pag-ibig at pagkakaisa.


  1. Ang pormula sa katekismo na Isang Diyos, Tatlong Persona ay isang tulong sa ala-ala upang matandaan kung ano ang ibig sabihin ng Banal na Sangtatlo. Ang Diyos ay nagpakilalang Ama, Anak at Espiritu Santo. Ang bawa’t isa ay Diyos bagama’t hindi tatlong Diyos; sila’y iisang Diyos, bagama’t tunay na sila’y may kani-kanyang pagka-Diyos. Ito ay hindi isang turong matematiko kundi misteryo ng pananampalataya.

Leave a Reply

You will be able to edit your comment after submitting.