Para sa ika-12 Linggo ng Panahong May-bilang, ipinapakilala sa atin ang "Cristo ng Diyos" na nakilala’t ipinahayag ni Pedro. Si Cristo mismo ang ang magpapaliwanag na hindi siya isang Cristo na katulad ng mga hari ng sanlibutan sapagka’t siya ay Cristo ng pagpapakumbaba, pagtalima at pagpapakasakit. Ang unang pagbasa mula sa Zacharias 12 ay may talatang (12:10b) iniugnay ni San Juan sa pagpapakasakit ni Cristo sa krus (Juan 19:37).
Ang kagandahang-loob ng Diyos ay ipinahayag sa pamamagitan ni Cristo na nagmahal sa atin at nagbigay ng buhay para sa atin (Galatians 2:20). Ang pagbasang ating bibigyan ng pansin ay iyong mula sa Galatians 3:22-29.
Ang Teksto ng Galatians 3:22-29
Basahin ang Sulat sa mga taga-Galacia sa konteksto na binubuo ng 3:19-29 na maaaring ibalangkas ng ganito:
- 19-21. Ang Kautusan ay ibinigay para maipaalam ang kasalanan hanggang sa dumating ang binhi (ni Abraham) na ipinangako. Kaya nga ang Kautusan ay hindi laban sa Pangako (cf. vv. 15-17).
- 22. Nguni’t ayon sa mga Kasulatan, ang lahat ay ikinulong sa ilalim ng kasalanan nang sa gayo’y ang pangako ay. maibigay sa mga nananampalataya
- 23-25. Ang Kautusan ay parang tagapag-alaga hangga’t hindi dumarating ang Pananampalataya. Ngayong dumating na nga ang panahon para sa pananampalataya tayo’y pinalaya na rin sa tagapag-alaga.
- 26-28. Sa pananampalataya, tayo’y naging mga anak ng Diyos. Lahat ay nabinyagan na at naging isa pang Cristo kung kaya’t wala na dapat niyong dating mga hidwaan. Ang lahat ay nasa kay Cristo na.
- 29. At kung kayo’y kay Christo na nga, kayo rin ay mga binhi ni Abraham.
Ang "nguni’t/datapuwa’t" ng t. 22 ay nagpapatuloy ng 19-21. Hindi masasabing ang Kautusan ay laban sa Pangako nguni’t nagsisilbi itong tagapag-alaga hangga’t matutunan nating tanggapin ang pangako sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo. Ang mahalaga para sa liturhiya ay ang kalagayan ng mga binyagan na nakikibahagi na sa mga pangako kay Abraham dahil sa kanilang pakikiisa kay Cristo sa binyag (22-29).
Mga Tanong Tungkol sa Teksto
- Para saan ang Kautusan?
- Anong Kautusan ang pinag-uusapan dito? Ang Sampung Utos ba o ang kabuuan ng 613 na mga kautusan sa Batas ni Moyses?
- Hanggang kailan — ayon sa Kasaysayan ng Kaligtasan — kinailangan ang Kautusan?
- Kinailangan ba ng tagapamagitan sa pakikipagtipan ng Diyos kay Abraham?1
- Saan inihalintulad ni Pablo ang Kautusan upang maipaliwanag ang kahalagahan nito?
- Ano ang ginagawa ng isang "paedagogus"? (Tingnan Galatians 4:1-7)
- Paano naging kabahagi ang Kristiyano sa mga pangako kay Abraham? (Tugon: sa Binyag, t. 27)
- Ano ang iyong naaalala sa katagang "idinamit na sa inyo si Cristo?" (Tugon: ang pagdadamit ng bagong binyagan, simbolo na siya’y naging isa pang Cristo, alter Christus)
- Kung nadamitan na ang lahat kay Cristo, dapat pa bang magkaroon ng mga hidwaan?2
- Paanong ang Kristiyano’y — at hindi ang mga Judio — masasabing "binhi ni Abraham"?3
Para sa mas malalim na pag-unawa
1. Ipinagpapatuloy sa mga talata 3:19-22 ang paliwanag ni San Pablo tungkol sa kaugnayan ng Kautusan sa mga pangako kay Abraham. Ang katarungan ni Abraham ay dahil sa kanyang pananampalataya (Galatians 3:6; Genesis 15:6) hindi dahil sa kanyang pagpapatuli. Tandaan na ipinagdidiinan ni Pablo ang pagkamatarungan ni Abraham sa pananampalataya dahil may mga misyonero na nagsasabing kailangang tanggapin din ng mga Kristiyanong Hentil ang Kautusan ni Moyses. Para kay Pablo, kung gagawin ito ng mga Kristiyano, mawawalan ng halaga ang dugo ni Cristo.
2. Ayon kay Pablo ang kasaysayan ng kaligtasan ay maaaring hatiin sa dalawang bahagi: ang panahon ng Kautusan (kung saan binibigyan ang tao ng kamalayan ng kasalanan) at ang pagpapahayag ng Katarungan ng Diyos kay Jesu-Cristo. Ang Katarungan ng Diyos ay ang kanyang pagkamaawain na nagpapawalang-sala sa mga tao (tingnan Romans 3:21-26). Kaya nga pagdating ng tamang panahon, si Cristo ay ipinanganak ng isang babae upang silang mga nasa ilalim ng Kautusan ay makatagpo ng kaligtasan (Galatians 4:4) sa pamamagitan ng pananampalataya.
3. Ang pananampalatayang binabanggit ni Pablo ay ang pagsalig sa kabuuuan ng pahayag tungkol kay Cristo na narinig ng mga taga-Galacia sa kanya. Ang kabuuuan ng pahayag tungkol kay Cristo ay hindi lamang iyong naisulat (sapagka’t alam nating may mga sulat si Pablo na hindi naisama sa mga Kasulatan) kundi pati ang tradisyong kanyang "ipinasa" (tingnan, ang artikulong ito tungkol sa Tradisyon ayon sa mga Kasulatan.)
4. Ang talata sa 3:28 ay hindi nangangahulugang wala ng pagkakaiba ang mga taong nabinyagan. Pansinin na ang mga binanggit ay mga grupo ng tao na may mga pagkakaibang nagiging dahilan ng hidwaan:
Mababa ang tingin ng mga Judio sa mga Hentil dahil sa tingin nilang pagiging imoral nitong mga huli. Ang mga alipin at mga padron ay pinaghihiwalay ng kanilang social status. Ang mga babae, nuong unang siglo ay itinuturing ng mga pilosopong Griyego at Romano na "mga lalaking may depekto." Sa talata ng 3:28, sinasabi ni Pablo na dahil ang lahat ay pinag-isa na kay Cristo, wala ng hidwaang dapat pang maghiwalay sa kanila, sapagka’t ang lahat ay ipinagkasundo na, ang dating magkakalayo ay pinaglapit na kay Cristo (2 Corinthians 5:19, Ephesians 2:11-22).
- Hindi dahil ang pakikipagtipan kay Abraham ay unilateral, ang pakikipagtipan ay nakabase sa katapatan ng Diyos lamang. Ang pakikipagtipan sa Israel ay bi-lateral. Kung kaya kinailangan ng Tagapamagitan, si Moyses. Sa isang pakikipagtipan na bi-lateral kailangan ang katapatan ng dalawang partido, ang Israel at ang Diyos. Dito ay mauunawaan ang mga kondisyon ng tipan sa Sinai: "Kung kayo’y magiging tapat sa akin, pagpapalain Ko kayo."↩
- Tugon: Hindi. t. 28↩
- Tugon: Ang binhi na binabanggit sa pangako ay hindi si Isaac kundi si Cristo, 3:16. At dahil ang Kristiyano ay pinapag-isa na kay Cristo, sila’y binhi ni Abraham at tagapagmana ng mga bagay na ipinangako.↩




[...] Mga Anak ng Diyos kay Cristo Jesus (Gal. 3:22-29) [...]