Email This Page Email This Page
angfrayle on November 26th, 2009

“Nananabik noon ang mga tao sa pagdating ng Cristo” (Lukas 3:15a). Para sa ikatlong linggo ng Adbiyento, tayo ay inaanyayahang gawing atin ang pananabik ng Israel sa kanilang Mesiyas. Kung ihahambing ang mga linggo ng Adbiyento sa apat na magdamagang bihilya, ang ikatlong Linggo ay katumbas na ikatlong bihilya, ang oras ng pagtilaok ng tandang na nagpapahayag na malapit na ang pagsikat ng araw. Kung kaya naman ang tema ng una at ikalawang pagbasa ay tuwa — tuwa na nagmumula sa pagkasigurong ang Panginoon ay malapit nang dumating (Philippians 4:5). Bagama’t “Linggo ng Tuwa” ang tawag sa ikatlong linggo ng Adbiyento, hindi tuwa ng pagsasayang makamundo ang tema ng liturhiya. Ang tuwang tinutukoy dito’y tuwang nanggagaling sa kapayapaang dulot ng Panginoon. Dahil alam ng mananampalataya na ang huling salita para sa kanya ay pagwawagi at hindi pagkatalo, saya at hindi lungkot, madali para sa kanyang iparamdam ang kanyang tuwa sa pamamagitan ng mabubuting gawa. “Iparamdam ninyo sa lahat ang inyong kabutihan (epieikes, Philippians 4:5),” wika ni Pablo.

Ang Teksto ng Lukas 3:10-18

10 Tinanong siya ng mga tao, “Kung gayon, ano po ang dapat naming gawin?”
11 Sumagot siya sa kanila, “Kung mayroon kang dalawang balabal, ibigay mo ang isa sa wala. Ganyan din ang gawin ng may pagkain.”

12 Dumating din ang mga maniningil ng buwis upang magpabautismo. Sila’y nagtanong sa kanya, “Guro, ano po ang dapat naming gawin?”

13 “Huwag kayong sumingil nang higit sa dapat singilin,” tugon niya.

14 Tinanong din siya ng mga kawal, “At kami po naman, ano ang dapat naming gawin?”
“Huwag kayong manghihingi kaninuman sa pamamagitan ng pamimilit o ng pagpaparatang ng di makatuwiran; masiyahan na kayo sa inyong sweldo,” sagot niya.

15 Nananabik noon ang mga tao sa pagdating ng Cristo, at inakala nilang si Juan mismo ang kanilang hinihintay. 16 Dahil dito sinabi niya sa kanila, “Binabautismuhan ko kayo sa pamamagitan ng tubig, ngunit ang darating na kasunod ko ang magbabautismo sa inyo sa pamamagitan ng Espiritu Santo at ng apoy. Siya’y higit na makapangyarihan kaysa akin; ni hindi man lamang ako karapat-dapat na magkalag ng sintas ng kanyang sandalyas. 17 Hawak na niya ang kalaykay upang linisin ang giikan at upang tipunin ang trigo sa kanyang kamalig. Ngunit ang ipa’y susunugin niya sa apoy na di mamamatay kailanman.”

18 Marami pang bagay na ipinapangaral si Juan sa mga tao sa kanyang pamamahayag ng Magandang Balita.

1. Pag-aralan ang teksto mula sa Lukas 3:7 upang maunawaan ang konteksto ng tanong sa 3:10.

2. Subukang unawain ang Lukas 3:7-18 sa loob ng malawak na konteksto ng buong Lukas 3

A. Si Juan Bautista sa Ilang

1. Ang pagdating ng salita ng Diyos kay Juan (1-2)

2. Ang pangangaral ni Juan (3) ayon sa mga tinuran ni Isaias (4-6)

2.1. Kailangan ng mga bunga ng pagsisi (7-8)
2.2. Malapit na ang paghuhukom(9)
2.3. Mga bunga ng pagsisisi (mga halimbawa) (10-14)
2.3.1. Ang mga may sobra’y mamigay sa mga nangangailangan
2.3.2. Huwag maniningil ng sobra
2.3.3. Huwag mangingikil; pagtiyagaan ang suweldong kinikita.

3. Si Juan at ang Mesiyas

3.1. Ang pananabik ng mga tao sa Mesiyas (15)
3.2. Hindi si Juan ang Mesiyas

3.2.1. Ang Mesiyas ang magbibinyag sa Espiritu at apoy (16a)
3.2.2. Ang Mesiyas ang may karapatan ng isang Tagatubos (16b)
3.2.3. Ang Mesiyas ang maghuhukom (17)

3.3. Marami pang ibang itinuro si Juan (18)

4. Si Herodes at ang kanyang ginawa kay Juan (19-20)

B. Si Hesus

1. Nagpabautismo si Hesus kay Juan (21-22)
2. Sino si Hesus? Anak ng Diyos (23-38)

Mga Tanong Tungkol sa Teksto

1. Sino ang tinanong ng mga tao?
2. Ano ang tawag ni Juan sa mga tao? Ano ang ibig sabihin ng “lahi ng ulupong”? Sino/Ano ang tinutuko’y sa simbolo ng ulupong?
3. Sapat na ba ayon kay Juan ang maging anak ni Abraham?

4. Ano pa ang kailangan para mailigtas sa kaparusahang darating?
5. Ano ang bunga ng pagsisi para sa may dalawang balabal? sa mga naniningil ng buwis? sa mga sundalo?
6. Inakala ba ng mga tao na si Juan ang Cristo?
7. Ano ang sabi ni Juan sa pagaakalang ito? Sinabi ba niyang siya ang Cristo?
8. Sino ang Cristo ayon kay Juan?

Para sa mas malalim na pag-unawa

1. Sino ang mga anak ni Abraham ayon sa mga talatang ito?
Lukas 13:16; 19:9 (at konteksto)

2. Ihambing ang sinasabi ni Juan sa Lukas 3:8 sa Gawa 26:20. Pareho ba ang ibig sabiin nito?

3. Balikan ang balangkas ng Lukas 3 (tingnan sa itaas) at ipaliwanag ang kaugnayan ng mga nakasaad sa tt. 10-18 sa mga nauna at sumusunod na mga talata.

Philippians 4:5
View in: NAB NIV KJV NJB Vulg Greek
5Let your modesty be known to all men. The Lord is nigh.
Philippians 4:5
View in: NAB NIV KJV NJB Vulg Greek
5Let your modesty be known to all men. The Lord is nigh.

Leave a Reply

You will be able to edit your comment after submitting.