Ang ebanghelyong babasahin sa ika-17 Linggo ng Karaniwang Panahon (A) ay hinango sa Matthew 13:44-52. Kung titingnan ang malapit na konteksto nito sa inyong mga Bibliya ay mapapansing ito ang ikatlong bahagi ng mga talinhaga tungkol sa Kaharian na inumpisahang basahin dalawang linggo na ang nakakaraan.
Ang Teksto
Ito ang teksto ng pagbasa ngayong Linggong ito batay sa bersyong ginagamit sa Misang Pilipino:
44Ang kaharian ng langit ay katulad ng kayamanang nakabaon sa isang bukid. Nahukay ito ng isang tao nguni’t agad itong tinabunan. Tuwang-tuwa siyang umalis at ibinenta ang lahat ng kanyang ari-arian upang bilhin ang bukid na iyon.
45Ang kaharian ng langit ay katulad din ng isang negosyante na naghahanap ng mga mamahaling perlas. 46Nang makakita siya ng isang perlas na napakahalaga, umuwi siya’y ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili ang perlas na iyon.
47Ang kaharian ng langit ng tulad din ng isang malaking lambat na inihagis sa lawa at nakahuli ng sari-saring isday. 48Nang mapuno ang lambat, hinila ito sa pampang. Naupo ang mga tao habang tinitipon nila sa sisidlan ang mabubuting isda at itinatapon naman ang mga isdang hindi mapakinabangan. 49Gayundin ang mangyayari sa katapusan ng daigdig, darating ang mga anghel, ihihiwalay ang masasama sa mga matuwid, 50at ihahagis ang masasama sa naglalagablab na apoy. Doo’y mananangis sila at magngangalit ang kanilang mga ngipin.
51Nauunawaan na ba ninyo ang lahat ng ito?, tanong ni Jesus.
Opo, sagot nila.
52At sinabi niya sa kanila:
Kaya nga ang bawa’t tagapagturo ng Kautusan na kumikilala sa kaharian ng langit ay katulad ng isang pinuno ng sambahayan na naglalabas ng mga bagay na bago at luma mula sa kanyang taguan ng kayamanan.
Ang Struktura ng Teksto
Pansinin…
- Ang mga talata sa 44, 45 at 47 ay nag-uumpisa sa “Ang kaharian ng langit ay tulad ng…”, ngunit ang talata 51 ay nag-uumpisa sa isang tanong. Sa istruktura pa lamang ay maaari nang ihiwalay ang mga tt. 51-52 sa mga naunang talata tungkol sa talinghaga ng kaharian.
- Ang ikatlong talinghaga tungkol sa malaking lambat ay iba sa mga talinghaga ng 44 at 45-56. Mas nakakatulad nito ang talinghaga sa tt. 36-43, ang paliwanag ni Jesus tungkol sa talinghaga ng trigo at damo. Muli maaari nating ihiwalay ito sa mga talinghaga tungkol sa kayamanan (44) at perlas (45-46)
Malapitang Pag-aaral ng Mateo 13:44-46
1. Kopyahin ang mga talata sa isang papel o “notebook”. Sa pagkopya paghiwa-hiwalayin ang mga bahagi ng parirala (Gumawa ng isang “sentence flow”).
2. Guhitan ang mga pangngalan at pandiwa (gumamit ng iba-ibang kulay kung pwede). Alamin kung sino ang gumagawa ng mga aksyon


3. Pagkatapos markahan ang mga salita o parirala ay maaari nang isa-isahin ang mga elemento ng mga talinghaga. Maaaring ganito ang mga konklusyon ng analisis na iyong ginawa:
- Sa talata 44
- Ang kaharian ay itinulad sa isang kayamanang nakatago
- Ang kayamana’y nahukay (nadiskubre), nguni’t itinagong muli (dahil sa napakahalaga nito at ayaw mapapunta sa ibang kamay; gustong solohin ng mamĀ“a)
- Ang mama na nakatagpo ay tuwang-tuwa
- umuwi siya’t ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian upang mabili ang lupa (at mapasakanya ang kayamanan)
- Sa talata 45-56
- Ang kaharian ay itinulad sa taong naghahanap ng perlas (isang merkanteng naghahanap ng kita)
- Nang makatagpo ng perlas na walang kasing-halaga’y umuwi ito at ipinagbili ang kanyang ari-arian
- binili niya ang perlas
4. Katanungan sa pagtatapos ng analisis: Kung ang kaharian ng langit ay tulad ng kayamanang nakatago at perlas na walang kasing-halaga, ano dapat — batay sa teksto — ang gagawin ng Kristiyano sa kaharian ng langit na naging pribilehiyo na niya mula ng siya’y binyagan?
5. Gawin ang mga hakbang na nagawa na sa mga sumusunod pang bahagi ng Ebanghelyo.
- Mapapansin sa larawang ito na dinadagdagan ko ng mga numerong may letra — 44b. 44c — ang talata. Ito ay para sa mas masusing pagbasa na gagawin pagkatapos.↩



Leave a Reply