Ang "tinig sa ilang" ay ang tinig na nagpapahayag ng isang bagong panahon para sa bayan ng Israel (Is. 40). Nang dumating sa ilang si Juan Bautista at magpahayag ng Kaharian, ipinahayag din niya ang isang bagong panahon para sa mga Judeo: ang panahon ng pagdating ng Mesiyas. Ang panahong ito ay dapat tanggapin ng may pagbabagong-buhay at mga bunga ng pagbabalik-loob sa Diyos.
Ang Teksto
1 Nang mga panahong iyon, dumating si Juan na Tagapagbautismo sa ilang ng Judea at nagsimulang mangaral. 2 Ganito ang kanyang sinasabi, "Magsisi na kayo at talikuran ang inyong mga kasalanan, sapagkat malapit nang dumating ang kaharian ng langit!" 3 Si Juan ang tinutukoy ni Propeta Isaias nang sabihin niya,Ito ang pahayag ng isang taong sumisigaw sa ilang:
"’Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon,
gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran!’4 Gawa sa balahibo ng kamelyo ang damit ni Juan, at sa balat naman ng hayop ang kanyang sinturon. Ang kanya namang pagkain ay balang at pulot-pukyutan. 5 Dinayo siya ng mga tao mula sa Jerusalem, sa buong Judea, at sa magkabilang panig ng Ilog Jordan. 6 Ipinahayag nila ang kanilang mga kasalanan at sila’y binautismuhan niya sa Ilog Jordan.
7 Nang makita niyang lumalapit din sa kanya ang maraming Pariseo at mga Saduseo upang magpabautismo, sinabi niya sa kanila, "Lahi ng mga ulupong! Akala ba ninyo’y makakatakas kayo sa parusa ng Diyos? 8 Patunayan muna ninyo sa inyong mga buhay na kayo’y talagang nagsisisi na, 9 at huwag ninyong akalain na makakaiwas kayo sa parusa ng Diyos dahil sinasabi ninyong ama ninyo si Abraham. Sinasabi ko sa inyo na kahit sa mga batong ito ay makakalikha ang Diyos ng tunay na mga anak ni Abraham. 10 Ngayon pa lamang ay nakahanda na ang palakol sa ugat ng mga punongkahoy; ang bawat punong hindi mabuti ang bunga ay puputulin at itatapon sa apoy.
11 Binabautismuhan ko kayo sa tubig bilang tanda ng inyong pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan. Ngunit ang darating na kasunod ko ang siyang magbabautismo sa inyo sa Espiritu Santo at sa apoy. Higit siyang makapangyarihan kaysa akin; ni hindi man lamang ako karapat-dapat magdala ng kanyang sandalyas. 12 Hawak na niya ang kanyang kalaykay upang alisin ang dayami. Titipunin niya sa kamalig ang trigo ngunit ang ipa ay susunugin sa apoy na di mamamatay kailanman."
Mga Tanong tungkol sa Teksto
- Sino ang bida sa mga talatang binasa? Ano ang kanyang ginawa? Saan siya nangaral? Ano ang kanyang ipinangaral?
- Ang "tinig sa ilang" ba ay nasa Kasulatan? Saang aklat matatagpuan ito?1
- Ano ang ayos ni Juan? Mahalaga ba ang damit sa mga Judeo? Sa ayos ni Juan, may naaalala ba kayong propeta ng Lumang Tipan? Sino?
- Ano ang pagkain ni Juan?
- Masasabi bang ang damit at pagkain ni Juan ay damit at pagkain ng taong umaaasa sa Diyos? Anong talata ni Mateo na hindi dapat pino-problema ang pagkain at damit?
- Sino ang tinawag ni Juan ni "Lahi ng ulupong"? Maganda ba ang katawagang ito? Ano ba ang tinutukoy sa simbolo ng ulupong?
- Sino ang mga Pariseo? Sino ang mga Saduceo?
- Kapag pinutol ang mga ugat ng isang puno, tutubo pa ba ito?
- Ano ang layon ng pagbabautismo ni Juan? Mayroon pa bang magbibigay ng isang bautismong mas ganap kaysa ibinibigay ni Juan? Ano ang ipangbabautismo ng darating pagkatapos ni Juan?
- Kailan kinakalaykay ang dayami? Nangyayari ba ito pagkatapos o bago ang ani? Nakakatakot ba ang simbolo ng kalaykay sa dayami? Ang pagsunog ba ng ipa ay masama? May naaalala ka bang talata sa mga Kasulatan kung saan ang ipa ay simbolo ng mga makasalanan?2
Para sa mas malalim na pag-unawa
1. Basahin ang mga pahinang sumusunod tungkol sa mga Pariseo at Saduceo
2. Ang "sandalyas" na tinutukoy ni Juan ay maaaring yung "sandalyas" na tinatanggap ng isang "goel" (tagatubos) na tumanggap ng karapatan maging "manunubos" sa isang kasal ayon sa batas ng levirato. Basahin ang transaksyong ginawa ni Boaz upang maging manunubos ni Noemi sa aklat ng "Ruth", kap. 4. Si Jesus ay isinasalarawang parang isang lalaking ikakasal sa Matthew 9:15, samantalang si Juan Bautista ay parang "best man" sa Juan 3:29.
3. Ang katagang "magsisi at talikuran ang inyong mga kasalan" ay isang salita lamang sa Griyego: metanoiete, na ang ibig sabihi’y "magbago ng isip". Tingnan ang pahinang ito para maunawaan kung paanong ang pagbabago ng isip ay nagdadala sa pagbabagong-buhay.




[...] Panahon ng Konsolasyon (Mateo 3:1-12) [...]