Email This Page Email This Page
angfrayle on January 21st, 2009

send-out-sm

 

Sa Kapistahan ng Pagbabagong-buhay ni San Pablo at “National Bible Week”, ating babasahin ang Markos 16:14-20. Ang mga talatang ito na kasama ng tt. 9-13 ay hindi bahagi ng orihinal na wakas ng Ebanghelyo ni Markos, 16:8. Kung babasahin ang mga talatang ito, mapapansing ito ay naisulat upang makumpleto ang Ebanghelyo ni Markos na sa pagwawakas sa 16:8 ay walang naitalang mga kwento tungkol sa pagpapakita ng Kristong muling nabuhay. Mapapansin din na ang mga pagpapakitang nakatala dito ay katulad ng mga matatagpuan sa ebanghelyo ni Mateo at Lukas, at ang mga salita ni Hesus sa tt. 15-18 ay isinulat ng isang taong nakakaalam ng kasaysayang isinulat ni Lukas, ang mga Gawa.

Ang Teksto

14Pagkatapos nito, nagpakita siya sa labing-isang alagad habang sila ay nakadulog sa hapag kainan. Pinagwikaan niya sila sa kanilang kawalan ng pananampalataya at katigasan ng puso. Ito ay sapagkat hindi nila pinaniwalaan ang mga salita ng mga nakakita sa kaniya na muling nabuhay.

15Sinabi niya sa kanila: Humayo kayo sa buong sanlibutan. Ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng nilikha. 16Ang sinumang sumampalataya at mabawtismuhan ay maliligtas. Ang sinumang hindi sumampalataya ay hahatulan. 17Sa mga sumasampalataya ay susunod ang mga tandang ito: Palalabasin nila ang mga demonyo sa aking pangalan. Makakapagsalita sila ng mga bagong wika. 18Makakadampot sila ng mga ahas. Kapag uminom sila ng anumang bagay na nakakamatay, hindi sila mapipinsala niyaon sa anumang paraan. Ipapatong nila ang kanilang kamay sa may mga karamdaman at bubuti sila.

19Kaya nga, pagkatapos magsalita ng Panginoon sa kanila, siya ay dinalang paitaas sa langit at umupo sa kanang tabi ng Diyos. 20Ang mga alagad ay umalis at nangaral kahit saang dako. Ang Panginoon ay kasama nilang gumagawa. Pinag-titibay niya ang kaniyang salita sa pamamagitan ng mga tandang sumusunod dito

Pansinin ang mga sumusunod

Gumawa ng “Daloy ng Parirala” para sa tekstong ito ng Markos 16:14-20. Pansinin ang mga sumusunod:

  1. Ang teksto ay mula sa mga pagpapakita ni Hesus pagkatapos niyang mabuhay na mag-uli. Kung titingnan ang mga naunang talata dito (tt. 1-13), mapapansin na ang kabanata ika-16 ay parang somaryo ng mga nilalaman ng pagpapakita ni Hesus sa Mateo at Lukas. Tingnan ang pahinang ito na may listahan ng mga pagkakatulad ng Mateo at Lukas sa Markos 16.
  2. Sa talata 14 ay pinagalitan ni Hesus ang kanyang mga alagad. Bakit sila pinagalitan ni Hesus?
  3. Sa tt. 15-18 ay nagbilin si Hesus sa kanyang mga alagad. Sila’y kanyang isinusugo. Ikumpara ang mga winika ni Hesus sa Markos 16:15-20 sa kanyang mga salita sa Mateo 28:18-20 at Gawa 1:7-8. Ano ang pagkakatulad? Ano ang mga pagkakaiba?
  4. Sa tt. 19 ay sinabing “dinala paitaas” si Hesus. Nguni’t sa tt. 20 sinabing ang Panginoon “ay kasama nilang gumagawa”. Sa mga talatang ito, masasabi bang ang pag-akyat ng Panginoon sa kalangitan ay pag-alis din niya?

Para sa mas malalim na pagunawa ng teksto

Basahin ang lathalaing ito at pansinin ang mga sumusunod:

1. Ang kaugnayan ng pananampalataya, bautismo at kaligtasan. Masasabi bang maaaring hindi tumanggap ng bautismo ang isang nananampalataya? Basahin ang mga talatang mula sa mga Gawa.

2. Ang mga binanggit ni Hesus na mga tandang kasabay ng paggawa ng mga alagad ay may mga katugma sa aklat ng mga Gawa. Anu-ano ang mga ito?

3. Ang mga talatang ito mula sa Markos 16 ang piniling ebanghelyo para sa Kapistahan ng Pagbabagung-buhay ni San Pablo. Ano sa palagay mo ang dahilan nito?

Leave a Reply

You will be able to edit your comment after submitting.