Sa Markos 5:21-43 dalawang babae ang pagagalingin ni Hesus: isang inaagasan ng dugo at isang patay. Ang mga ito ay kapwa marumi ayon sa Levitiko. Ngunit kapwa rin ay pinagaling ni Hesus. “Dahil sa iyong pananampalataya ay gumaling ka” sabi ni Hesus.
Ang Teksto
Pakatapos gumawa ng “Daloy ng Parirala”, gawan ng balangkas ang teksto. Anu-ano ang mga bahagi nito?
Mga Tanong Tungkol Sa Teksto
- Saan nanggaling si Hesus nang araw na iyon nang maganap ang mga salaysay ni Markos sa bahaging ito ng ebanghelyo?
- Sino ang nag-anyaya kay Jesus? Ano ang kanyang katungkulan? Ano ang nais niyang gawin ni Hesus? Sumama ba si Hesus?
- Sino sa mga alagad ang isinama ni Hesus? Ang mga alagad na ito ay kailan muli isasama ni Hesus? Saan?
- Ano ang kalagayan ng lugar na iyon? Marami bang tao? Anong salita ang ginamit ni Markos para isalarawan ang kalagayan sa lugar na iyon?
- Sa dami ng nakakabangga ni Jesus isa lamang ang naramdaman niyang dumaiti sa kanya. Sino ito?
- Ano ang sinasabi tungkol sa mga inaagasan ng dugo? Sila ba’y masasayang tao? Ilang taon nang inaagasan ng dugo ang babae?
- Paano gumaling ang babae? Ano ang naramdaman ni Hesus?
- Ano ang sinabi ni Jesus sa babae?
- Ano ang kalagayan sa tahanan ni Jairo? Masaya ba sila?
- Sino ang mga umiiyak at humahagulgol? Bakit?
- Ano ang pag-unawa ni Hesus sa kalagayan ng anak ni Jairo? Tinanggap ba ito ng mga naroroon?
- Sino ang mga kasama ni Hesus sa kinalalagyan ng anak ni Jairo?
- Ano ang sinabi ni Hesus sa patay? Anong wika ito? Ano ang ibig sabihin?
- Ilang taon na ang anak ni Jairo iyon? Kung ganito ang pagkakasalin ng talata: “Siya ay labindalawang gulang pa lamang noon” ano ang sinasabi ni Markos tungkol sa dalagita?
- Ano ang mga bilin ni Hesus pagkatapos niyang pagalingin ang anak ni Jairo?
Para sa mas malalim na pag-unawa ng teksto
1. Si Jairo ay isang opisyal ng sinagoga. Nang lumuhod siya sa harapan ni Jesus kinikilala lamang niya ang kapangyarihan nito.
2. Ang sakit ng babae ay katulad ng pagreregla. Ito’y nakarurumi, ayon sa Leviticus 15:25-28. Kung kaya’t hindi siya maaaring mabuhay ng may kasama. Labin-dalawang taon na siyang inaagasan ng dugo. Kung iisiping 40 anyos ang life expectancy noon, malamang na halos buong buhay na siyang inaagasan ng dugo (sabihing nag-umpisa ito nuong siya’y magdalaga.).
3. Ang mga umiiyak at humahagulgol sa bahay ni Jairo ay mga “propesyonal”. Ang patay ay nakarurumi. Pansinin na hinawakan ni Hesus ang batang babae. Labindalawang taong gulang na siya nuon, isa ng dalaga at maaari nang ipangako sa kasalan. Kaya nga’t nakakalungkot na sa ganuong gulang ay mamamatay ang isang tulad niya.
4. Si Santiago, Pedro at Juan ang mga isinama ni Hesus sa silid ng anak ni Jairo. Sila rin ang isasama niya sa Bundok ng Pagbabagong-Anyo at sa kanyang pananalangin sa Getsemane. Ang kanilang presensya sa pagpapagaling sa anak ni Jairo ay isang espesyal na kaganapan para sa kanila.




One Response to “Pananampalatayang Nagpapagaling (Markos 4:21-43)”
Trackbacks/Pingbacks
Leave a Reply