Sa daan patungong Emmaus ay nakasabay ng mga alagad si Jesus, ang Muling Nabuhay. Nguni’t hindi kaagad nila ito nakilala, dahil sa kawalan nila ng pananampalataya. “May pumigil sa kanilang mga mata” sabi ni Lukas. Ang kawalan nila ng pananampalataya ay dahil sa lumbay na kanilang naramdaman noong Biyernes Santo, at ang pagkalito sa ibinalita ng mga babaeng nagpunta sa libingan maaga pa. Upang maalis ang kanilang pagkalito at ang panglaw na kanilang nararamdaman, binuksan ng Panginoon ang mga Kasulatan para sa kanila, at hinati niya ang tinapay sa kanyang dulang. Ito ang Misa ng Panginoon.

Ang Teksto

13 Nang araw ding iyon, may dalawang alagad na naglalakad papuntang Emaus, isang nayong may labing-isang kilometro ang layo mula sa Jerusalem. 14 Pinag-uusapan nila ang mga pangyayari. 15 Habang sila’y nag-uusap, lumapit si Jesus at nakisabay sa kanila, 16 ngunit siya’y hindi nila nakilala na para bang natatakpan ang kanilang mga mata. 17 Tinanong sila ni Jesus, “Ano ba ang pinag-uusapan ninyo?”

Tumigil silang nalulumbay, at 18 sinabi ni Cleopas, “Ikaw lamang yata ang dayuhan sa Jerusalem na hindi nakakaalam sa mga pangyayaring katatapos lamang maganap doon.” 19 “Anong pangyayari?” tanong niya.

Sumagot sila, “Tungkol kay Jesus na taga-Nazaret, isang propetang makapangyarihan sa salita at gawa maging sa harap ng Diyos at ng mga tao. 20 Isinakdal siya ng aming mga punong pari at mga pinuno ng bayan upang mahatulang mamatay, at siya’y ipinako sa krus. 21 Siya pa naman ang inaasahan naming magpapalaya sa Israel. Hindi lamang iyan. Ikatlong araw na ngayon mula nang mangyari ito. 22 Nabigla kami sa ibinalita ng ilan sa mga babaing kasamahan namin. Maagang-maaga raw silang nagpunta sa libingan 23 at hindi nila natagpuan ang kanyang bangkay. Nagbalik sila at ang sabi’y nakakita raw sila ng isang pangitain, mga anghel na nagsabing si Jesus ay buhay. 24 Pumunta rin sa libingan ang ilan sa mga kasama namin at ganoon nga ang natagpuan nila, ngunit hindi nila nakita si Jesus.”

25 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Hindi ba kayo makaunawa? Bakit hindi kayo makapaniwala sa lahat ng sinasabi ng mga propeta? 26 Hindi ba’t kailangang ang Cristo ay magtiis ng lahat ng ito bago niya makamtan ang kanyang marangal na katayuan?” 27 At patuloy na ipinaliwanag sa kanila ni Jesus ang lahat ng sinasabi sa Kasulatan tungkol sa kanyang sarili, simula sa mga aklat ni Moises hanggang sa mga sinulat ng mga propeta.

28 Malapit na sila sa nayong kanilang pupuntahan at si Jesus ay parang magpapatuloy pa sa paglakad, 29 ngunit siya’y pinigil nila. “Tumuloy ka muna rito sa amin. Malapit na ang gabi, dumidilim na,” sabi nila. Kaya’t sumama nga siya sa kanila. 30 Nang siya’y kasalo na nila sa pagkain, dumampot siya ng tinapay at nagpasalamat sa Diyos; pagkatapos, pinagpira-piraso iyon at ibinigay sa kanila. 31 Noon nabuksan ang kanilang mga mata at nakilala nila si Jesus, subalit siya’y biglang nawala sa kanilang paningin. 32 Nasabi nila sa isa’t isa, “Kaya pala nag-uumapaw ang ating pakiramdam habang tayo’y kinakausap niya sa daan at ipinapaliwanag ang mga Kasulatan!”

33 Agad silang tumayo at nagbalik sa Jerusalem. Naratnan nilang nagkakatipon doon ang labing-isa at ang ibang kasamahan nila. 34 Sinabi ng mga ito sa dalawa, “Totoo nga palang muling nabuhay ang Panginoon! Nagpakita siya kay Simon!” 35 At isinalaysay naman ng dalawa ang nangyari sa daan at kung paano nila nakilala si Jesus nang paghati-hatiin nito ang tinapay.

Mga Tanong tungkol sa Teksto

  1. Anong araw naganap ang pangyayaring isinalaysay ni Lukas?
  2. Sinu-sino ang mga alagad na binabanggit dito?1
  3. Saan sila nanggaling? Saan sila papunta?
  4. Anong pangyayari ang kanilang pinag-uusapan?
  5. Sino ang sumabay habang sila’y naglalakad? Nakilala ba nila ang sumabay sa kanila?
  6. Nang makita sila ni Jesus, sila ba’y nagagalak? Ano ang kanilang nararamdaman?
  7. Sino ang nag-kwento kay Jesus?
  8. Sa kanilang kwento ba ay ipinakita nilang naunawaan nila ang balita ng mga babae at ang pagkawala ng katawan ni Jesus sa libingan?
  9. Ano ang ginawa ni Jesus upang maunawaan ng mga alagad ang mga pangyayari noong mga araw na iyon?
  10. Nang buksan ni Jesus ang mga Kasulatan sa mga alagad, ano ang nais niyang maunawaan nila: ang laman ng Kasulatan, o ang mga pangyayaring naganap mula Biyernes hanggang noong araw na iyon?
  11. Anong oras na noong mapalapit sila sa Emmaus? Hinayaan ba nilang humiwalay si Jesus?
  12. Ano ang kanilang ginawa pagdating sa nayon? Sila ba’y nagpahinga?
  13. Sino ang pinagputol nila ng tinapay? Ang gawain bang ito para sa isang bisita o para sa puno ng sambahayan?
  14. Ano ang nangyari nang biyakin ni Jesus ang tinapay?
  15. Ano ang kanilang naalala nuong makilala na nila si Jesus?
  16. Saan napunta si Jesus nang siya’y maglaho?2
  17. Ano ang agad na ginawa ng mga alagad pagkatapos makilala si Jesus?
  18. Pagdating sa Jerusalem, ikinuwento ba agad nila ang nangyari sa daan?3

Para sa Mas Malalim na Pag-unawa

  1. Pansinin ang ginawa ni Jesus: una binuksan niya ang Kasulatan para sa mga alagad; ikalawa, hinati niya ang tinapay. Napapansin mo ba rito ang dalawang bahagi ng Misa — ang liturhiya ng Salita, at ang liturhiya ng Eukaristiya?
  2. Ang dalawang ginawa ni Jesus ay isang pagkilos lamang: nang makilala ng mga alagad si Jesus, kanilang naalala ang pag-iinit ng kanilang puso habang ipinapaliwanag sa kanila ang mga Kasulatan. Kaya nga, ang pagbabasa dapat ng Kasulatan ay natatapos sa Eukaristiya, ang paghahati ng tinapay.
  3. Bumalik ang mga alagad sa kaligtasan dahil sa MIsa ng Panginoon. Dito ba’y nakikita mo ang kahalagahan ng Lingguhang pagsisismba?


  1. Si Cleopas at hindi pinanganlang alagad.
  2. Sa kanilang mga puso.
  3. Hindi. Pinakinggan muna nila ang mga apostol.

Leave a Reply

*

AWSOM Powered