Habang papalapit si Jesus sa oras ng kanyang Huling Hapunan, tinuturuan naman niya tayo tungkol sa ginagawi ng mga nagnanais makasama sa bangkete ng Mesiyas. Ang okasyon ay isang kainan kung saan inanyayahan siya ng Puno ng mga Pariseo. Dito ay tuturuan niya ang mga naghahanap ng parangal ng tao na magpakumbaba at tumanggap ng mga taong inaakalang hindi makakapasok sa kaharian ng Diyos.
Ang Teksto
1 Isang Araw ng Pamamahinga, si Jesus
ay inanyayahang kumain sa bahay
ng isang pinuno ng mga Pariseo,
at binabantayan nilang mabuti ang kanyang mga kilos.2 Lumapit kay Jesus ang isang lalaking may manas.
3 Kaya’t tinanong niya ang mga Pariseo
at ang mga dalubhasa sa kautusang Judio,
"Naaayon ba sa Kautusan ang magpagaling sa Araw ng Pamamahinga o hindi?"4 Ngunit hindi sila umimik,
kaya’t hinawakan ni Jesus ang maysakit,
pinagaling ito at saka pinauwi.5 Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila,
"Kung ang inyong anak o ang inyong baka ang nahulog sa balon,hindi ba’t iaahon ninyo ito kaagad kahit Araw ng Pamamahinga?"6 Hindi sila nakasagot sa tanong na ito.
7 Napansin ni Jesus na ang pinipili ng mga panauhin
ay ang mga upuang pandangal.Kaya’t sinabi niya ang talinhagang ito sa kanila.8 "Kapag inanyayahan ka sa isang kasalan,
huwag kang uupo agad sa upuang pandangal.
Baka may inanyayahang mas marangal kaysa sa iyo.
9 Baka lapitan ka ng nag-anyaya sa inyong dalawa
at sabihin sa iyo,‘Maaari bang ibigay mo ang upuang iyan sa taong ito?’Sa gayon, mapapahiya ka at doon ka uupo sa pinakaabang upuan.
10 Mabuti pa, kapag naanyayahan ka,
doon ka muna maupo sa pinakaabang upuan.
Kapag lumapit sa iyo ang nag-anyaya at kanyang sinabi,‘Kaibigan, dito ka sa kabisera,’mapaparangalan ka sa harap ng lahat ng mga panauhin.
11 Sapagkat ang nagmamataas ay ibababa, at ang nagpapakumbaba ay itataas."12 Sinabi naman ni Jesus sa nag-anyaya sa kanya,
"Kapag naghahanda ka ng isang salu-salo,huwag ang iyong mga kaibigan, mga kapatid, mga kamag-anak o mayayamang kapitbahay ang aanyayahan mo,
dahil aanyayahan ka rin nila at masusuklian na ang iyong ginawa.13 Subalit kapag ikaw ay maghahanda,
anyayahan mo ang mga mahihirap, mga lumpo, mga pilay, at mga bulag.14 Kapag ganito ang ginawa mo, magiging mapalad ka,
dahil hindi man nila masuklian ang ginawa mo,
ang Diyos ang magbibigay sa iyo ng gantimpala
sa muling pagkabuhay ng mga makatarungan."
Mga Tanong Tungkol sa Teksto
- Nasaan si Jesus sa salaysay na ito?
- Anong araw noon?
- Kapag araw ba ng pamamahinga ay maaaring manggaling?
- Sang-ayon ba si Jesus sa panukalang ito?
- Ano ang dahilan niya sa pagpapagaling ng may-sakit?
- Ang kanyang dahilan ba ay nakabatay din sa batas ni Moyses?
- Anong meron sa tahanang kinaroroonan ni Jesus?
- Ano ang kanyang napansin sa mga naimbita?
- Tama ba ang kanilang ginagawi sa pagpili ng mga upuang pandangal? Sang-ayon ba si Jesus? Ano ang dahilan ni Jesus?
- Ano ang nangyayari sa nagmamataas? Ano ang nangyayari sa nagpapakumbaba?
- May naaalala ka bang talata sa ebanghelyo ni Lukas na ganito rin ang sinasabi?
- Ano ang payo ni Jesus sa nag-imbita?
- Mali ba ang pag-iimbita ng mga kilala at kamag-anak sa piging? Kunwari kung kasal ng anak mo, sino ang una mong iimbitahin, ang mga hindi kilala?
- Sang-ayon ba si Jesus sa ganitong gawi? Ano ang kanyang dahilan?
- Ano ayon sa kanya ang mangyayari kung ang mga taong hindi kayang gumanti sa iyong kabutihan ang iyong aanyayahan?
- Sino ang gaganti ng kabutihan sa iyo? Kailan?
Para sa mas malalim na pag-unawa
1. Basahing mabuti ang umpisa ng salaysay. Si Jesus ay inanyayahan hindi upang parangalan kundi upang manmanan. Naghahanap ang mga Pariseo ng dahilan upang siya ay mahuling lumalabag sa kautusan ni Moyses.
(a) Sa kontekstong naturan ay mauunawaan ang pagdating ng lalaking may manas. Ang pagmamanas nang panahong ito dahil sa pamamaga ng mga bahagi ng katawan ay inaakalang may kaugnayan sa ketong kung kaya naman nakakapagtaka na ang taong may manas ay hinayaang makapasok sa isang lugar kung saan ang mga inimbita ay mga Pariseo at mga eksperto ng batas!
(b) Ang dahilang binigay ni Jesus sa kanyang pagpapagaling sa taong may manas ay mula rin sa mga turo ng mga Pariseo. Ang katuwiran ni Jesus ay ayon din sa tinatawag na interpretasyong "magaan at mabigat" ng mga eksperto ng batas: kung maaaring iligtas ang baka (magaan) sa araw ng Shabat, lalung-lalo nang maaari itong gawin para sa isang tao (mabigat). Nguni’t hindi tumugon ang mga nakarinig. Bakit sa palagay mo?
2. Ang sumusunod na mga turo ni Jesus ay patama sa mga Pariseo at mga eksperto ng batas:
(a) Mahalaga ang karangalan para sa mga Judio. Ito ay nakikita sa yaman, damit na suot, kalagayan sa lipunan, mga kakilala at lugar na niluluklukan sa isang kainan. Iniiwasan nila ang mapahiya, ang "mawalan ng mukha."
(b) Ang mga payo ni Jesus sa mga inimbita at nag-iimbita ay taliwas sa mga gawi ng lipunang kagalang-galang. Nguni’t ang mga payo ni Jesus ay ayon naman sa hinihingi ng Kaharian/Paghahari ng Diyos.



