Ang Linggo pagkatapos ng Linggo ng Muling Pagkabuhay ay kilala sa taguri na “Dominica in albis” — ang Linggo ng mga Nakaputi. Ito ay sa kadahilanang nuong unang panahon ay araw na ito ay itinuturing na annibersaryo ng binyag ng lahat ng mga mananampalataya. Sila ay nagsisimbang suot ang puting damit na ibinalabal sa kanila nang sila’y binyagan. Kung kaya naman ang tema ng mga pagbasa sa araw na ito ay tungkol sa buhay ng mga binyagan. Ang mga talata mula sa Gawa ay pagsasalarawan ng uri ng pagkakaisa mayroon ang mga alagad. Mula sa unang sulat ni Juan ay binibigyan ng diin ang tubig at dugo na siyang pinagmulan ng bagong buhay ng mga Kristiyano. At sa ebanghelyo naman ay ipinapakita kung paanong ang pananampalataya ng mga binyagan ay hindi mababa ang uri kung ihahambing sa pananampalataya ng mga apostol. Ito’y sapagka’t ang Kristong Muling Nabuhay ay patuloy pa ring tumatayo sa gitna ng kanyang mga kapatid (cf. Sal. 22:22) tuwing “Domingo”, ang Araw ng Panginoon.
Ang Teksto
Basahin ang inyong kopya ng Juan 20:19-31 at pansinin ang mga sumusunod
- Ang pagbabago ng panahon sa t. 19 at t. 24
- Ang mga ginawa ng Kristong Muling Nabuhay sa tt. 19-23 at 24-29. Paghambingin ang mga talatang ito: ano ang pagkakatulad, ano ang pagkakaiba
- Ang isinasaad sa 20:30-31
Mga Tanong Tungkol sa Teksto
- Kailan naganap ang pangyayari sa tt. 19-23?
- Saan nanggaling si Hesus nang siya’y magpakita sa mga alagad nuong unang Linggo?
- Ano ang dala-dala ni Hesus para sa mga alagad? (Clue: Dalawang bagay)
- Ano ang ipinakita ni Hesus sa mga alagad? Ano ang kanyang pinapatunayan nang ipakita niya ang mga ito?
- Hinipan ni Hesus ang mga alagad. Ano ang kaugnayan ng gawing ito sa pagsusugo sa mga alagad?
- Sa anong misyon isinugo ni Hesus ang mga alagad?
- Si Tomas ay ayaw maniwalang si Hesus ay nabuhay na nga. Ayon sa teksto ng Juan 20, ano ang dahilan ng kanyang kawalan ng paniniwala?
- Si Tomas ba ay naniwala? Ipaliwanag ang iyong sagot.
- Ang sabi ba ni Tomas na “Panginoon ko at Diyos ko” ay kanino niya sinabi?
- Lahat ba ng ginawa at sinabi ni Hesus ay napapaloob sa ebanghelyo?
- Ano ang dahilan at isinulat ang ebanghelyo?
Para sa mas malalim na pag-unawa ng teksto
1. Basahin ang mga sumusunod na talata
(a) tungkol sa kapayapaan: Juan 14:27;16:33
(b) tungkol sa Spirito: Juan 3:5.6.34;7:39;14:17.26;15:26;16:13;19:30
2. Si Hesus ay tumayo sa gitna. Basahin ang kabuuan ng Awit 22 (naguumpisa sa “Diyos ko, Diyos ko bakit mo ako pinabayaan?”) at unawain kung paanong ang tt. 22 ng nasabing Awit ay ginamit sa kwento ni Juan tungkol sa pagpapakita ni Hesus sa mga alagad.
3. “Mapalad ang mga hindi nakakita ngunit nananampalataya”. Sino ang mga tinutukoy ni Hesus? Masasabi ba na ang isa sa mga ito’y ang pinakamamahal na alagad? (Tingnan ang Juan 20:1-10)
4. Ihambing ang pagsusugo ni Hesus dito (Juan 20:23) sa Markos 16:15-18, Mateo 28:19-20, Lukas 24:46-49; Gawa 1:7-8. Ano ang pagkakatulad at pagkakaiba?




Leave a Reply