“Ako ang Muling Pagkabuhay at ang Buhay.” Ito ang pagpapakilala ni Jesus kay Marta. Ito rin ang kanyang pagpapakilala sa ating lahat. Ang Muling Pagkabuhay ay naganap na sa sinumang nabubuhay kay Cristo. Sabi nga ng Papa Benito: “Ang pakikiisa kay Cristo sa buhay na ito ang naghahanda sa atin upang daigin ang mga sagabal na dulot ng kamatayan nang sa gayo’y mabuhay tayung kasama Niya magpakailanman. “
Ang Teksto
1 Sa bayan ng Bethania ay may isang taong nagkasakit. Siya si Lazaro na kapatid nina Marta at Maria. 2 Si Maria ang nagbuhos ng pabango sa paa ng Panginoon at pagkatapos ay pinunasan iyon ng kanyang buhok. Dahil may sakit si Lazaro, 3 nagpasabi kay Jesus ang magkapatid, Panginoon, ang minamahal ninyong kaibigan ay may sakit.
4 Nang marinig ito ni Jesus ay sinabi niya, Hindi niya ikamamatay ang sakit na ito. Nangyari iyon upang maparangalan ang Diyos at sa pamamagitan nito’y maparangalan ang Anak ng Diyos.
5 Mahal ni Jesus ang magkakapatid na Marta, Maria at Lazaro. 6 Gayunman, nagpalipas pa siya doon ng dalawang araw mula nang mabalitaang may sakit si Lazaro. 7 Pagkatapos nito, sinabi niya sa kanyang mga alagad, Magbalik tayo sa Judea. 8 Sumagot ang mga alagad, Guro, hindi po ba’t kamakailan lamang ay pinagtangkaan kayong batuhin ng mga pinuno ng mga Judio? Bakit pupunta na naman kayo doon? 9 Sinabi ni Jesus, Hindi ba’t may labindalawang oras sa maghapon? Hindi matitisod ang lumalakad kung umaga sapagkat nakikita niya ang nagbibigay-liwanag sa daigdig na ito. 10 Subalit natitisod ang lumalakad kung gabi sapagkat wala na siyang liwanag. 11 Idinugtong pa ni Jesus, Natutulog ang kaibigan nating si Lazaro. Pupunta ako upang gisingin siya.
12 Panginoon, kung natutulog lang po siya ay gagaling siya, sagot ng mga alagad. 13 Ang ibig sabihin ni Jesus ay patay na si Lazaro, ngunit ang akala ng mga alagad ay talagang natutulog lamang ito. 14 Dahil dito’y tuwirang sinabi ni Jesus, Patay na si Lazaro; 15 ngunit ako’y nagagalak dahil wala ako roon upang kayo’y sumampalataya sa akin. Tayo na, puntahan natin siya. 16 Niyaya ni Tomas, na tinatawag na Kambal, ang kanyang mga kasama, Sumama tayo sa Guro, mamamatay tayong kasama niya.
17 Pagdating ni Jesus, nalaman niyang apat na araw nang nakalibing si Lazaro. 18 May tatlong kilometro lamang ang layo ng Jerusalem sa Bethania, 19 kaya’t maraming taga-Jerusalem ang dumalaw kina Marta at Maria upang makiramay sa pagkamatay ng kanilang kapatid. 20 Nang mabalitaan ni Marta na dumarating si Jesus, sinalubong niya ito, ngunit si Maria nama’y naiwan sa bahay. 21 Sinabi ni Marta, Panginoon, kung kayo po ay narito, buháy pa sana ang kapatid ko. 22 Subalit nalalaman kong kahit ngayo’y ipagkakaloob sa inyo ng Diyos ang anumang hingin ninyo sa kanya.
23 Muling mabubuhay ang iyong kapatid, sabi ni Jesus. 24 Sumagot si Marta, Nalalaman ko pong siya’y mabubuhay muli sa huling araw. 25 Sinabi sa kanya ni Jesus, Ako ang nagbibigay-buhay at muling pagkabuhay. Ang sinumang sumasampalataya sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay; 26 at sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay kailanman. Naniniwala ka ba sa sinabi ko? 27 Sumagot siya, Opo, Panginoon! Sumasampalataya po ako sa inyo at naniniwalang kayo nga ang Cristo, ang Anak ng Diyos na paparito sa daigdig.
28 Pagkasabi nito, umuwi si Marta. Tinawag niya si Maria at binulungan, Naririto na ang Guro at ipinapatawag ka. 29 Pagkarinig nito’y nagmadaling tumayo si Maria upang salubungin si Jesus. 30 Wala pa si Jesus sa nayon; naroon pa lamang siya sa lugar kung saan siya sinalubong ni Marta. 31 Nang makitang si Maria’y nagmamadaling tumayo at lumabas, sinundan siya ng mga Judiong nakikiramay sa kanila. Akala nila’y pupunta siya sa libingan upang umiyak.
32 Pagdating ni Maria sa kinaroroonan ni Jesus, nagpatirapa siya sa paanan nito at nagsabi, Panginoon, kung narito po lamang kayo, hindi sana namatay ang aking kapatid. 33 Nahabag si Jesus at nabagbag ang kanyang kalooban nang makita niyang umiiyak si Maria, pati ang mga Judiong kasama nito. 34 Saan ninyo siya inilibing? tanong ni Jesus. Sumagot sila, Panginoon, halikayo at tingnan ninyo. 35 Tumangis si Jesus, 36 kaya’t sinabi ng mga Judio, Talagang mahal na mahal niya si Lazaro! 37 Sinabi naman ng ilan, Napagaling niya ang bulag, bakit hindi niya nahadlangan ang pagkamatay ni Lazaro?
38 Muling nabagbag ang kalooban ni Jesus pagdating sa libingan. Ang pinaglibingan kay Lazaro ay isang yungib na natatakpan ng malaking bato. 39 Alisin ninyo ang bato, utos ni Jesus. Ngunit sumagot si Marta, Panginoon, nangangamoy na po siya ngayon; apat na araw na siyang patay.
40 Sinabi ni Jesus, Hindi ba’t sinabi ko sa iyo na kung sasampalataya ka sa akin ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos? 41 Kaya’t inalis nila ang bato. Tumingala si Jesus sa langit at sinabi, Ama, nagpapasalamat ako sa iyo sapagkat dinirinig mo ako, 42 at alam kong lagi mo akong diringgin. Ngunit sinasabi ko ito dahil sa mga taong naririto, upang maniwala silang ikaw ang nagsugo sa akin. 43 Pagkasabi nito ay sumigaw siya, Lazaro, lumabas ka! 44 Lumabas nga si Lazaro na nababalot ng telang panlibing ang mga kamay at paa; may nakatakip ring tela sa mukha. Inutos ni Jesus sa kanila, Kalagan ninyo siya at nang makalaya.
Mga Tanong tungkol sa Teksto
- Ano ang pangalan ng taong maysakit? Sino ang mga kapatid nya? Ang mga kapatid ba niya ay binabanggit sa ibang aklat ng ebanghelyo? Paano ipinakilala ni Juan si Maria? Saan matatagpuan ito? Sino ang nagpasabi kay Jesus tungkol kay Lazaro?
- Pumunta ba agad si Jesus? Pagkatapos na mabalitaan ang kalagayan ni Lazaro, ilang araw muna ang dumaan bago pumunta si Jesus sa kanilang bahay?
- Gumaling ba si Lazaro? Ano ang tawag ni Jesus sa pagkamatay ni Lazaro? May naaalala pa ba kayong salaysay kung saan ang taong namatay ay sinabi ni Jesus na natutulog lamang?
- Ang kanilang pagbabalik sa Judea ba ay itinuring ng mga alagad na isang ordinaryong paglalakbay lamang? Ano ang sinabi ni Tomas tungkol sa paglalakbay na ito? May naaalala pa ba kayong salaysay tungkol kay Tomas?
- Nang dumating sila sa Bethania, ilang araw ng patay si Lazaro? Sa mga Judio ng panahon ni Jesus kailan nila inililibing ang patay?
- Sino sa dalawang magkapatid ang unang lumapit kay Jesus? Saan sila nagkatagpo?
- Si Marta ba ay naniniwala sa Muling Pagkabuhay? Ayon sa kanyang pag-unawa, kailan magaganap ito? Ano ang pagpapakilala ni Jesus sa sarili kay Marta? Nanampalataya ba si Marta kay Jesus? Pagkatapos niyang sabihing siya’y nananampalataya, ano ang ginawa ni Marta?
- May naaalala ka bang isang yugto sa ebanghelyo ni Juan kung saan may katulad ang ginawa ni Marta kay Maria?
- Ano ang sinabi ni Maria kay Jesus nang sila’y magkatagpo? Ano ang reaksyon ni Jesus? Ano ang sinabi ng mga tao tungkol sa reaksyon ni Jesus?
- Ano ang ayos ng libingan ni Lazaro? Ito ba ay katulad ng mga libingan natin ngayon? Ano ang unang utos ni Jesus pagdating niya sa libingan? Sang-ayon ba si Marta sa kanyang ipinagagawa?
- [Basahin ang panalangin ni Jesus sa t. 41-42] Ano ang dahilan at nagpasalamat si Jesus sa Ama? May naaalala ka bang yugto sa ebanghelyo ni Juan kung saan may katulad ang sinasabi tungkol kay Jesus na katulad ng sinasabi sa t. 42?
- Ano ang ikalawang utos ni Jesus pagdating sa libingan?
- Sino ang tumalima sa utos na ito? Ano ang kanyang ayos?
- Ano ang ikatlo at huling utos ni Jesus?
Para sa mas Malalim na Pag-unawa
1. Sa tt. 11-16 ay makikita ang isang katangian ng panulat ni Juan: ang paggamit ng dalawang kahulugan para sa isang salita. Ito ay ginamit na sa kaso ni Nicodemo (Juan 3, ang kaso ng “ipanganak muli” at “ipanganak mula sa itaas”) at sa Samaritana (Juan 4, ang tubig). Dito, ang kahulugan ng “natutulog” (kamatayan) ay lumalabas din sa salaysay tungkol sa anak ni Jairo sa mga ebanghelyo ni Markos, Mateo at Lukas.
2. Sa mga Judio noong panahon ni Jesus, ang patay ay inililibing agad sa araw ng kamatayan. Ang libingan ay isang kuweba na may batong pantakip upang ang bangkay ay ma-protektahan sa mga hayop at magnanakaw. Ang pagluluksa ay ginagawa sa bahay ng mga namatayan sa loob ng isang linggo. Shiva (pitong araw) ang tawag dito ng mga Judio magpahangga-ngayon.
3. Ang patay ay binabalot na ang gamit ay mga telang mahahaba. Sila’y binabalot ng maigi upang manatili silang naka-diretso; pati ang mga panga ay binabalot upang hindi bumuka ang bibig. Ang mga lalaki’y hindi maaaring bumalot ng katawan ng babaeng patay nguni’t ang mga babae ay maaaring bumalot ng katawan ng lalaki’t babae. Marahil ay sina Marta at Maria ang bumalot sa katawan ni Lazaro.
4. Sa mga Judio, ang muling pagkabuhay ay magaganap sa huling araw. Ito’y ayon sa mga turo ng Pariseo. Ang mga Saduceo ay hindi naniniwala dito.



