Sa panahon ng Adbiyento, tayo ay pinaghahanda para sa tatlong pagdating ni Kristo: (a) ang alaala ng kanyang unang pagdating; (b) ang pang-araw-araw niyang pagdating sa ating kapwa; at (c) ang kanyang pagdating sa Huling Araw. Mahalaga na tayo’y magsanay sa (a) at (b) nang sa gayo’y makilala natin siya sa kanyang huling pagdating. Kaya nga’t sa unang linggo ng Adbiyento, ipinapaalala sa atin na manatiling gising at nagbabantay.
Ang tema ng unang linggo ng Adbiyento ay may pagkakatulad sa ika-33 at ika-34 na Linggo ng nakaraang taon (Year A). Ang tema ng dalawang linggong ito ay tungkol sa paghahatol, una ng mga alagad, at ikalawa ng lahat ng mga bansa. Sa sipi mula sa Markos 13:33-37, ang utos ng Panginoon na tayo’y magbantay ay sa kadahilanang ang Anak ng Tao (Mark 13:26) ay darating sa panahong hindi natin alam.
Ang Teksto
33Kayo ay magmatyag at magbantay, sapagkat hindi ninyo alam kung kailan ang panahon. 34Ito ay tulad ng isang taong naglakbay at nag-ibayong lupain. Iniwan niya ang kaniyang bahay at ibinigay ang kapamahalaan sa kaniyang mga alipin. Binigyan niya ang bawat isa ng sariling gawain. Inutusan din niya ang tanod-pinto na magbantay.
35Magbantay kayo sapagkat hindi ninyo alam kung kailan darating ang panginoon ng bahay. Maaari siyang dumating sa gabi, o sa hatinggabi, o sa pagtilaok ng manok, o sa umaga. 36Maaaring sa bigla niyang pagdating ay masumpungan niya kayong natutulog. 37Ang sinasabi ko sa inyo ay sinasabi ko sa lahat. Magbantay kayo.
Para sa pag-unawa ng teksto
- Bigyan ng pansin ang mga sumusunod na salita na inuulit sa teksto
- magbantay (tt. 33, 35, 37)
- hindi ninyo alam (tt. 33, 35)
- Pansinin na ang tt. 34 ay tulad ng Talinghaga ng Talento
- Pansinin din na ang tt. 35 ay tulad ng Talinghaga ng Utusang Mapagsamantala
Para sa mas malalim na pag-unawa sa teksto
- Tingnan mga talatang nauna sa Marko 13:33-37. Ano ang dahilan at pinagsabihan ni Hesus na magbantay ang kanyang mga taga-pakinig? Sino ba ang kanyang mga tagapakinig?
- Sa loob ng konteksto ng Markos 13:26 ss,
- Sino ang nagsasalita sa Markos 13:33-37
- Sa anong bagay inihalintulad ang kanyang pagdating? Sa base ng tt. 28-30, gaano katagal pa hihintayin ang kanyang pagdating? Sa base rin ng talatang ito, ano ang ibig sabihin ng salitang “panahon” sa tt. 33?




One Response to “Sa Pagdating ng Panginoon”
Trackbacks/Pingbacks
Leave a Reply