thebaptistseesjesusfromafar-cr

Ang ikatlong Linggo ng Adbiyento ay tinatawag na "Gaudete Sunday", Linggo ng Tuwa. At para sa Linggong ito’y ibinibigay sa atin ang larawan ni Juan Bautista. Mula sa bibig ng Panginoon ay ipaparinig sa atin kung sino si Juan Bautista at ang kanyang ginampanang papel sa Kasaysayan ng Kaligtasan. Hanggang sa huli ng kanyang buhay, si Juan Bautista ang propetang nagtuturo sa atin na pumunta kay Jesus at kilalanin siya bilang ang Mesiyas na pinakahihintay.

Ang Teksto

2 Nakabilanggo na noon si Juan na Tagapagbautismo. Nabalitaan niya ang mga ginagawa ni Cristo kaya’t nagsugo siya ng ilang mga alagad 3 upang itanong, "Kayo po ba ang ipinangakong darating, o maghihintay pa kami ng iba?" 4 Sumagot si Jesus, "Bumalik kayo kay Juan at sabihin ninyo sa kanya ang inyong naririnig at nakikita. 5 Nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga pilay, gumagaling at lumilinis ang mga ketongin, nakakarinig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinapangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita. 6 Mapalad ang taong hindi nag-aalinlangan sa akin!"

7 Nang paalis na ang mga alagad ni Juan, nagsalita si Jesus sa mga tao tungkol kay Juan, "Bakit kayo nagpunta sa ilang? Ano ang nais ninyong makita? Isa bang tambo na hinihipan ng hangin? 8 Bakit kayo pumunta sa ilang? Para makita ang isang taong may mamahaling kasuotan? Ang mga nagdaramit ng ganyan ay nasa palasyo ng mga hari! 9 Ano nga ba ang nais ninyong makita? Isang propeta? Oo, siya’y propeta. At sinasabi ko sa inyo, siya’y higit pa sa isang propeta. 10 Sapagkat si Juan ang tinutukoy ng kasulatan, ‘Ipadadala ko ang aking sugo na mauuna sa iyo; ihahanda niya ang iyong daraanan.’ 11 Tandaan ninyo: higit na dakila si Juan na Tagapagbautismo kaysa sinumang isinilang sa daigdig, ngunit ang pinakahamak sa kaharian ng langit ay mas dakila kaysa kanya. 12 Mula nang mangaral si Juan na Tagapagbautismo hanggang ngayon, ang kaharian ng langit ay sapilitang pinapasok ng mga taong mararahas. 13 Sapagkat hanggang sa dumating si Juan, ang mga propeta at ang Kautusan ang siyang nagpahayag tungkol sa paghahari ng Diyos. 14 Kung naniniwala kayo sa pahayag na ito, si Juan na nga ang Elias na ipinangakong darating. 15 Makinig ang may pandinig!

Daloy ng Parirala

Mga Tanong Tungkol sa Teksto

  1. Sino ang bida sa salaysay na ito?
  2. Nasaan si Juan sa umpisa ng salaysay?
  3. Ano ang dahilan ng kanyang pagsugo ng mga alagad kay Jesus?
  4. Ang kanyang sinabi ba tungkol kay Jesus noong siya’y nagpapahayag pa ay katulad ng kanyang narinig na ginagawa ni Jesus?
  5. Paano sinagot ni Jesus ang katanungan ni Juan?
  6. May katulad ba sa Lumang Tipan ang mga salitang sinabi ni Jesus? Ano ang kahulugan ng mga salitang iyon sa orihinal nitong konteksto?
  7. Masasabi bang nag-aalinlangan si Juan kay Jesus?
  8. Pinuri ba ni Jesus si Juan? Ayon kay Jesus, sino si Juan? Kung si Juan ang Elias na darating, sino naman si Jesus?
  9. Naging epektibo ba ang pagpapahayag ni Juan?
  10. Ano sa palagay mo ang dahilan at sinabi ni Jesus na bagama’t si Juan ang pinakadakila sa lahat ng ipinanganak ng isang babae, ang pinakamaliit sa kaharian ng Diyos ay higit pa sa kanya?

Para sa mas malalim na pag-unawa

  1. Basahin ang mga pahayag ni Juan Bautista tungkol sa "Mas Makapangyarihan Keysa sa Akin" (Matteo 3:11-12.13-17). Masasabi bang nagkamali si Juan Bautista sa kanyang pagkilala sa Mesiyas?
  2. Basahin ang Malakias 3.1:1.23-24. Sino ang maghahanda sa pagdating ng Panginoon? Kung si Juan ang propetang Elias, sino naman si Jesus?
  3. Ano ang ayos ng tambong hinihipan ng hangin? Ito ba ay hindi natitinag ng hangin? Ano ang kahulugan ng pagsasalarawang ito? Si Juan ba ay tulad ng tambo na nagsasayaw sa ihip ng hangin?
  4. Ano ang kahulugan ng "sapilitang pinapasok ng mga taong mararahas ang kaharian ng langit"? Ito ba ay masama?
  5. Sa liwanag ng mga papuring binigkas ni Jesus kay Juan, masasabi bang si Juan ay isa sa mga hindi nag-alinlangan kay Jesus? Kung gayon, ano ang kahulugan ng pagpapadala ni Juan ng mga alagad niya kay Jesus: ito ba’y dahil sa kanyang pagdududa?

1 Comment on Si Juan ang Elias na Darating (Mateo 11:2-14)

  1. That would be great! I will come back :-)

Leave a Reply

*

AWSOM Powered