Email This Page Email This Page
angfrayle on November 22nd, 2009

Kung paanong si Juan Bautista ang nagpahayag sa unang pagpapakita ng Panginoon, gayon di’y ang Iglesya ang nagpapahayag sa muli niyang pagdating. Si Juan Bautista ang tinig na sumisigaw sa ilang na ihanda ang mga landasin ng Panginoon. Noong unang panahon, pinapatag ang mga daraanan ng isang mahalagang bisita upang mapadali ang kanyang pagdating. Gayun din, ang buhay ng Iglesya — ang pagsasagawa ng kanyang misyon ng ebanghelisasyon ay nagpapadali sa pagdating ng Panginoon.

Ang Teksto ng Lukas 3:1-6

1 Ikalabinlimang taon noon ng paghahari ni Emperador Tiberio. Si Poncio Pilato ang gobernador sa Judea at si Herodes ang pinuno sa Galilea. Ang kapatid nitong si Felipe ang pinuno sa lupain ng Iturea at Traconite at si Lisanias ang pinuno sa Abilinia. 2 Nang sina Anas at Caifas ang mga pinakapunong pari ng mga Judio, si Juan na anak ni Zacarias ay nakatira sa ilang. Ipinahayag ng Diyos ang kanyang salita kay Juan, 3 kaya’t nilibot niya ang mga lupain sa magkabilang panig ng Jordan. Siya’y nangaral, “Pagsisihan at talikuran ninyo ang inyong mga kasalanan at magpabautismo kayo upang kayo’y patawarin ng Diyos.” 4 Sa gayon, natupad ang nakasulat sa aklat ni Propeta Isaias,

“Ito ang pahayag ng isang taong sumisigaw sa ilang:
‘Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon.
Gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran!

5 Matatambakan ang bawat libis,
at mapapatag ang bawat burol at bundok.
Matutuwid ang daang liku-liko,
at mapapatag ang daang baku-bako.

6 At makikita ng lahat ng tao ang pagliligtas na gagawin ng Diyos!’”

Ihambing ang teksto ni Lukas sa teksto ni Markos 1:1-4. Alamin kung anu-ano ang pagkakatulad at mga pagkakaiba.

Mga Tanong Tungkol sa Teksto

  1. Kailan dumating kay Juan Bautista ang Salita ng Diyos? Nasaan si Juan noon?
  2. Taga-saan si Juan Bautista? Paano siya napapunta sa ilang?
  3. Sino ang ama ni Juan Bautista? Ano ang papel ni Juan Bautista sa kasaysayan ng kaligtasan? Kailan ipinaalam ang papel na ito? Sino ang nagpaalam?
  4. Sinu-sino ang mga makapangyarihang tao noon sa buong mundo at sa Judea?
  5. Nang matanggap niya ang Salita ng Diyos ano ang inumpisahang gawin ni Juan Bautista? Saan niya ginawa ito?
  6. Bakit Bautista ang tawag kay Juan?
  7. Ang bautismo ba ni Juan ay nakapagpapatawad ng kasalanan? O ito’y tanda ng pagtalikod at pagsisisi sa kasalanan?
  8. Ano ang propesiyang natupad sa mga ginawa ni Juan Bautista? Saang aklat makikita ang propesiyang ito?
  9. Sa propesiyang iyon, sino ang taong sumisigaw sa ilang? Ano ang kanyang isinisigaw?
  10. Paanong ihahanda ang daraanan ng Panginoon? Ano ang gagawin sa bawa’t libis? sa bawa’t burol at bundok? sa daang liko? sa daang bako-bako?
  11. Ano ang makikita kapag napatag na ang lahat?
  12. Sa salitang Ebraiko ano ang katumbas ng salitang “pagliligtas/kaligtasan?”

Para sa mas malalim na pag-unawa ng teksto

1. Kilalanin ang mga sumusunod:

  • Tiberio Cesar
  • Pontio Pilato
  • Herodes Antipas
  • Kaifa at Anas

Ano ang magiging papel ng mga ito buhay ni Juan Bautista at ni Jesus?

2. Tingnan ang mapa ng Judea nuong unang siglo at alamin kung saan naghari ang mga sumusunod:

  • Herodes Antipas
  • Felipe
  • Lysanias

3. Tingnan din sa mapa kung saan nagbautismo si Juan. (I-klik ang larawan upang makita ng mas mabuti.)

Desert of Judea

Leave a Reply

You will be able to edit your comment after submitting.