Email This Page Email This Page
angfrayle on September 28th, 2009

Sa pagkakaunawa nating mga Pilipino, ang mga mapalad ay silang may mabuting kapalaran. Ang “kapalaran” ay ang mga guhit sa palad, at ang kahihinatnan ng isang tao — ang kanyang “swerte” — ay ayon sa kung mabuti o masama ang nakaguhit sa kanyang palad. Ang “kapalaran” ay wala sa Bibliya; imbes na kapalaran, mayroong malayang pagtugon sa kalooban ng Diyos. Kung kaya naman kahit ang salitang “mapalad” na ginagamit natin upang isalin ang salitang “macharios” ay maaaring magdagdag ng maling pagkakahulugan kung hindi bibigyan ng pansin ang pinagmulan nitong pag-unawa sa mundo at tao. Gayunpaman, ang “macharios” (sa Latin, “beatus”) ay walang kaakibat na konsepto ng “kapalaran”. Sa bibig ni Jesus, mapalad yaong mga inuusig dahil sa kanya dahil ngayon pa lamang ay nirereserba na para sa kanila ang mabubuting bagay na inilalaan ng Diyos sa Kanyang mga iniibig. Samakatwid, hindi swerte ang nagbibigay ng magandang kapalaran sa isang tao kungdi ang kanyang pakikiisa kay Kristo sa pagtalimo sa kagustuhan ng Diyos.

Ang Teksto

1 Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao, umakyat siya sa bundok. Pagkaupo niya lumapit ang kanyang mga alagad 2 at sila’y tinuruan niya.

3 “Mapalad ang mga taong walang inaasahan kundi ang Diyos,
sapagkat mapapabilang sila sa kaharian ng langit.

4 “Mapalad ang mga nagdadalamhati, sapagkat aaliwin sila ng Diyos.

5 “Mapalad ang mga mapagpakumbaba,
sapagkat mamanahin nila ang daigdig.

6 “Mapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran,
sapagkat sila’y bubusugin.

7 “Mapalad ang mga mahabagin, sapagkat kahahabagan sila ng Diyos.

8 “Mapalad ang mga may malinis na puso, sapagkat makikita nila ang Diyos.

9 “Mapalad ang mga gumagawa ng paraan para sa kapayapaan,
sapagkat sila’y ituturing na mga anak ng Diyos.

10 “Mapalad ang mga inuusig nang dahil sa kanilang pagsunod sa kalooban ng Diyos,
sapagkat mapapabilang sila sa kaharian ng langit.

11 “Mapalad ang mga nilalait at inuusig ng mga tao,
at pinaparatangan ng lahat ng uri ng kasamaan na pawang kasinungalingan nang dahil sa akin.

12 Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit.
Gayundin ang ginawa ng mga tao sa mga propetang nauna sa inyo.”

Mga Tanong Tungkol Sa Teksto

  • Nasaan si Jesus sa Matteo 5:1-12? Sino ang kanyang mga kasama?
  • Sa tamang pagkakasunod-sunod, sino ang mga tinatawag na “mapalad” ni Jesus?
  • Bakit “mapalad” …
    • ang taong walang inaasahan kungdi ang Diyos?
    • ang nagdadalamhati?
    • ang mapagkumbaba?
    • ang mga nagugutom at nauuhaw sa katwiran?
    • ang mahabagin?
    • ang may malinis na puso?
    • ang mga gumagawa ng paraan para sa kapayapaan?
    • ang inuusig dahil sa pagsunod sa kaloobang ng Diyos?
    • ang mga nilalait at inuusig ng mga tao at pinararatangan ng pawang kasinulingan dahil kay Kristo?

Para Sa Mas Malalim na Pag-unawa

1. Ang ekspresyong “kaharian ng langit” sa v.3 at v. 10 ay katumbas ng “paghahari/kaharian ng Diyos”. Ang salitang tinagalog sa “kaharian” ay maaari ding “paghahari” ang ibig sabihin. Ang “kaharian” ay tumutukoy sa lugar na sinasakupan ng isang hari; ang “paghahari” naman ay tumutukoy sa pagpapairal ng kapangyarihan sa mga nasasakupan. Kung kaya naman ang pagkakasabing “mapapabilang sila sa kaharian ng langit” ay maaring unawain ng ganito: “para sa kanila ang paghahari ng Diyos”.
2. Ang “katuwiran” sa t. 6 at ang “pagsunod sa kalooban ng Diyos” sa t. 10 ay magkatugma.
3. Pansinin na nasa t. 11-12 ang somaryo ng mga sinasaad sa 3-10.

Leave a Reply

You will be able to edit your comment after submitting.