Muli, para sa ikatlong Linggo ng Panahong May-Bilang ay ipinapabasa sa atin ang propesiya ng Isaias 9 sa liwanag ng misteryo Pasqual, ang buhay, kamatayan at muling pagka-buhay ng Panginoong JesuCristo. Ang liwanag na magbibigay ng tanglaw sa mga nasa karimlan ng kamatayan at kasalanan ay ang Panginoong JesuCristo. Iyan ang ipinapaalala sa atin ng Kandilang Pam-paskuwa (Paschal candle) na sinisindihan tuwing may binibinyagan. Ang tema ng liwanag at pagsunod kay Cristo ay nagpapaalala sa atin ng ating binyag. Tayong tumanggap ng liwanag kay Cristo ay dapat ding maging liwanag para sa iba. “Sapagka’t ang lahat ng tumatanggap ng liwanag ay nagiging liwanag din (Ef. 5:14)” sabi nga ni San Pablo.
Ang Teksto
12 Nang mabalitaan ni Jesus na ibinilanggo si Juan, bumalik siya sa Galilea. 13 Ngunit hindi na siya sa Nazaret nanirahan, kundi sa bayan ng Capernaum na nasa baybayin ng Lawa ng Galilea na sakop ng Zebulun at Neftali. 14 Sa gayon, natupad ang sinabi ni Propeta Isaias,
15 “Lupain ng Zebulun at lupain ng Neftali,
daanang papunta sa lawa, sa ibayo ng Jordan,
sa Galilea ng mga Hentil!
16 Ang mga taong nasa kadiliman
ay nakakita ng maningning na ilaw!
Sa mga nakatira sa lilim ng kamatayan
ay sumikat ang liwanag.”17 Magmula noon ay nangaral na si Jesus. Itinuturo niyang, “Magsisi na kayo at talikuran ang inyong mga kasalanan sapagkat malapit nang dumating ang kaharian ng langit.”
18 Minsan, naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. Nakita niyang naghahagis ng lambat sa lawa ang dalawang mangingisda, si Simon na tinatawag ding Pedro, at ang kapatid niyang si Andres. 19 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mga mangingisda ng mga tao.” 20 Noon di’y iniwan nila ang kanilang mga lambat at sumunod kay Jesus.
21 Nagpatuloy siya ng paglalakad at nakita rin niya ang magkapatid na Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo. Sila’y nasa bangka kasama ng kanilang ama, at nag-aayos ng lambat. Tinawag din sila ni Jesus. 22 Agad nilang iniwan ang bangka at ang kanilang ama, at sumunod kay Jesus.
23 Nilibot ni Jesus ang buong Galilea. Nagtuturo siya sa mga sinagoga at ipinapangaral ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos. Pinapagaling din niya ang lahat ng mga taong may sakit at karamdaman.
Mga Tanong Tungkol sa Teksto
- Kailan bumalik si Jesus sa Galilea? Tumira pa rin ba siya sa Nazareth? Saan siya nanirahan? Saan matatagpuan ang Cafarnao?
- Anong propesiya ang natupad noong lumipat si Jesus sa Cafarnao?
- Ayon sa propesiyang ito, ano ang mangyayari sa lugar ng Zebulun at Neftali?
- Ano ang isa pang tawag sa mga lugar na ito?
- Paano isinasalarawan ang mga taong nakatira sa mga lugar na ito?
- Ano ang mangyayari sa kanila?
- Sino ang Liwanag na makikita sa Galilea ng mga Hentil?
- Mayroon ka bang naaalalang salaysay sa Mateo kung saan si Jesus ay sinasabing may kaugnayan sa Liwanag? 1
- Mayroon ka bang naaalalang talata sa iba pang ebanghelyo kung saan si Jesus ay sinasabing Liwanag? 2
- Ano ang itinuro ni Jesus?
- Sa kanyang pagtuturo, may tinawag siyang naging kanyang mga alagad. Sino-sino ang mga ito? Ano ang kanilang gawain?
- Ano ang ibig sabihin ng “mamamalakaya ng tao?” 3
- May kaugnayan ba ang pamamalakaya ng tao sa kaligtasan? 4
- Nang tawagin ni Jesus ang mga mangingisda, nagpatumpik-tumpik ba sila?
- Paano sila tumugon sa tawag ni Jesus? 5
Para Sa Mas Malalim na Pag-unawa
1. Basahin ang kabuuan ng Isaias 8:23 – 9:7. Ang propesiya ay tungkol sa Israel ng Norte na sinakop noong 721 BC. Ang kanilang kaharian ay nawala at ang karamihan sa mga Israelita nakatira doon ay ipinatapon. Ang mga ito’y pinalitan ng mga taga-ibang bansa kung kaya’t ang lugar ay kinilalang “Galilea ng mga Hentil”. Ayon sa propesiya, ang mga naiwang Israelita na namumuhay sa karimlan ng kawalang-pag-asa ay makakakita ng liwanag. Ang liwanag na ito, ang kanilang bagong pag-asa, ay isang sanggol na magmumula sa dinastiya ni David. Ang sanggol na ito, kapag naghari na ang magdudulot sa buong Israel ng kapayapaan at katarungan.
2. Subuking alalahanin kung paanong ginagamit ang talata sa itaas sa mga pagbasa ng panahon ng Kapaskuhan. Noong nakaraang linggo ay binasa rin ito para sa Kapistahan ng Sto. Niño. Sino ayon sa liturhiya ang sanggol na maghahari at magdadala ng kapayapaan at katarungan?
3. Ang pagtugon ng mga mangingisda sa tawag ni Jesus ang unang bunga ng pahayag tungkol sa kaharian ng langit. Samakatuwid, ang mga unang alagad ang siya ring unang tumugon sa pahayag ni Jesus na talikuran na ang mga kasalanan sapagka’t nalalapit na ang kaharian ng langit. Ganyan ang pagsunod kay Jesus: kailangang talikuran ang kasalanan upang mapasakop sa paghahari ng Diyos.
4. Ang binyagan ay nagpapasakop sa paghahari ng Diyos. Ito ay nangyayari kapag hinahayaan niyang siya’y baguhin ni JesuCristo ang kanyang pag-unawa, pagpapasiya at estilo ng pamumuhay. Sa iyong buhay-Kristiyano, masasabi bang nababago na ni Jesus ang iyong pag-unawa, pagpapasiya at estilo ng iyong pamumuhay?
- Ang liwanag ng bituin at si Jesus na natagpuan ng tatlong Mago, sa Mateo 2.↩
- Sa prologo ng Juan, at sa Sulat sa mga taga-Efeso↩
- Tingnan ang Habakuk 1:14-15↩
- Oo. Ang pangingisda ay pagkuha ng isda mula sa dagat. Ito’y para sa ikabubuhay ng tao. Ang tao na nasa dagat ay nasa panganib na mamatay sapagka’t hindi siya nilikha upang tumira doon. Kung siya’y iaahon mula sa dagat at ibabalik sa lupa, siya’y maliligtas sa panganib.↩
- Agad-agad silang sumunod … iniwan nila ang kanilang ama at naglakad sa likuran ni Jesus↩



