Ang pagtatagpo ni Jesus at ang babaeng Samaritana ay isinalaysay sa kontekstong kung saan ay binabanggit ang “bautismo” (tingnan 4:1). Napapansin na ng mga Pariseo na mas maraming nagpapabautismo kay Jesus kaysa sa Bautista. Ito’y bagaman ang nagbabautismo ay hindi si Jesus kungdi ang kanyang mga alagad. Habang ito’y pinag-uusapan, si Jesus ay umalis at napadaan sa mga Samaritano. Sa Sychar ay nagkaroon siya ng pagkakataong makausap ang isang babae tungkol sa tubig na bumabalong sa buhay na walang hanggan.
Ang Teksto
7 May isang Samaritanang dumating upang umigib, at sinabi ni Jesus sa kanya, Maaari mo ba akong bigyan ng maiinom? 8 Wala noon ang kanyang mga alagad dahil sila’y bumibili ng pagkain sa bayan.
9 Sinabi sa kanya ng babae, Ikaw ay Judio at Samaritana naman ako! Bakit ka humihingi sa akin ng inumin? Sinabi niya iyon sapagkat hindi nakikihalubilo ang mga Judio sa mga Samaritano. 10 Sumagot si Jesus, Kung alam mo lamang ang kaloob ng Diyos, at kung sino itong humihingi sa iyo ng inumin, ikaw ang hihingi sa kanya at bibigyan ka naman niya ng tubig na nagbibigay-buhay.
11 Nagsalita ang babae, Ginoo, malalim ang balong ito at wala ka namang panalok. Saan ka kukuha ng tubig na nagbibigaybuhay? 12 Ang balong ito ay pamana pa sa amin ng aming ninunong si Jacob. Dito siya uminom, gayundin ang kanyang mga anak at mga hayop. Higit ka pa ba sa kanya? 13 Sumagot si Jesus, Ang bawat uminom ng tubig na ito’y muling mauuhaw, 14 ngunit ang sinumang uminom ng tubig na ibibigay ko sa kanya ay hindi na muling mauuhaw kailanman. Ang tubig na ibibigay ko ay magiging batis sa loob niya, at patuloy na bubukal at magbibigay sa kanya ng buhay na walang hanggan.
15 Sinabi ng babae, Ginoo, bigyan po ninyo ako ng tubig na ito upang hindi na ako mauhaw, ni pumarito pa upang sumalok muli.
16 Umuwi ka at isama mo rito ang iyong asawa, wika ni Jesus. 17 Wala akong asawa, sagot ng babae. Sinabi ni Jesus, Tama ang sinabi mong wala kang asawa 18 sapagkat lima na ang iyong naging asawa, at ang kinakasama mo ngayon ay hindi mo asawa. Totoo nga ang sinabi mo. 19 Sinabi ng babae, Ginoo, isa kang propeta, hindi nga ba? 20 Dito sa bundok na ito sumamba sa Diyos ang aming mga ninuno, ngunit sinasabi ninyong mga Judio na sa Jerusalem lamang dapat sambahin ang Diyos.
21 Sinabi naman ni Jesus, Maniwala ka sa akin, darating na ang panahon na sasambahin ninyo ang Ama hindi na sa bundok na ito o sa Jerusalem. 22 Hindi ninyo kilala ang inyong sinasamba, ngunit kilala namin ang aming sinasamba, sapagkat ang kaligtasan ay nagmumula sa mga Judio. 23 Subalit dumarating na ang panahon at ngayon na nga, na ang mga tunay na sumasamba sa Ama ay sasamba sa kanya sa espiritu at sa katotohanan. Sapagkat ganyan ang uri ng pagsambang kinalulugdan ng Ama. 24 Ang Diyos ay Espiritu kaya dapat siyang sambahin sa espiritu at sa katotohanan.
25 Sinabi ng babae, Nalalaman ko pong darating ang Mesiyas, ang tinatawag na Cristo. Pagdating niya, siya ang magpapahayag sa amin ng lahat ng bagay.
26 Ako na kausap mo ngayon ang iyong tinutukoy, sabi ni Jesus.
Mga Tanong Tungkol sa Teksto
- Nasaan si Jesus sa salaysay na ito?
- Ang mga Samaritano ba ay kaibigan ng mga Judio?
- Sino si Jacob? Kailan niya ginawa ang balon?
- Sino ang nakausap ni Jesus?
- May mga kasama ba si Jesus noon? Nasaan ang mga alagad?
- Normal ba na makipag-usap ang isang Judio sa isang babaeng Samaritana? Normal ba na makipag-usap ang isang Judio sa isang babaeng Judio ng walang kasama?
- Ano ang ginagawa ng babae nuong kausapin siya ni Jesus?
- Anong oras sila nag-usap?
- Anong oras ang tama para sa pag-iigib ng tubig?
- Ano ang hiningi ni Jesus sa babae? Ibinigay ba ng babae ang hinihingi ni Jesus?
- Ano ang mas maganda: ang tubig na pagkatapos mainom ay nakakauhaw o ang tubig na magbibigay ng walang pagka-uhaw?
- Sino ang magbibigay ng tubig na bumabalong sa buhay na walang hanggan?
- Ang babae ba ay may asawa?
- Sino ang nagpa-alam ng kamalian ng babae sa kanyang buhay?
- Tinanggap ba ng babae ang kanyang kamalian?
- Ipinagpatuloy ba ng babae ang pag-uusap tungkol sa kanyang buhay?
- Ano ang kinalaman ng pagsamba sa buhay pang-araw-araw ng babae?
- Ayon kay Jesus, sasamba pa ba sa bundok? Saan sasamba ang mga tao sa hinaharap?
- Sa kanilang pag-uusap nagbago ba ang pagtingin ng babae kay Jesus?
- Ano ang pagkilala ng babae sa umpisa ng kanilang pag-uusap? Sa pagtatapos ng pag-uusap?
Para Sa Mas Malalim na Pag-unawa
1. Ang tagpo sa Sychar, at ang pag-uusap ni Jesus sa babaeng Samaritano ay magtatapos sa pagkilala ng mga taga-Sychar kay Cristo. Basahin ang mga talata hanggang sa 4:42.
2. Ang mga Samaritano ang mga Judio ay magka-away. Ito’y dahil ang mga Samaritano ang pumigil sa pagpapatayong muli ng bayan ng Jerusalem noong panahon ni Nehemias. Bukod dito ang mga Samaritano ay may sariling pananampalataya na nakabatay lamang sa Limang Aklat ni Moyses; hindi nila tinatanggap ang iba pang mga Kasulatan ng mga Judio.
3. Pansinin na sa kanilang pag-uusap, unti-unting nagbago ang pagtingin ng babaeng Samaritana kay Jesus. “Judio” ang tawag niya sa umpisa kay Jesus, nguni’t nang kausapin niya ang kanyang mga kababayan, nasabi niya “Ito na kaya ang Cristo?”



