May mga nagsasabing kung nais mong yumaman ay sambahin mo ang tunay na Diyos. Kaya lang ay nakikita natin sa ating paligid na mabuti man o masama ay yumayaman. Sinabi ni Jesus na “pinasisikat ng Diyos ang araw sa lahat, masama man o mabuti”. At kung titingnan nating mabuti ang ating paligid, kadalasan pa nga’y mas mayaman pa ang mga taong hindi naniniwala sa Diyos. Ibig sabihi’y walang kinalaman ang kayamanan sa mga balak ng Diyos para sa atin, dahil nga walang halaga para sa Kanya ang kayamanan.

Ito rin ang sinasabi ng Panginoon. Para sa isang anak ng Diyos, ang mahalaga, ang prioridad ng buhay ay dapat ang Ama at ang kanyang Kaharian. Ito ang mga mahalaga para kay Jesus. Ito rin ang nais niyang matutunan ng kanyang mga alagad.

Ang Teksto

24 “Walang aliping makakapaglingkod nang sabay sa dalawang panginoon, sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo maaaring maglingkod nang sabay sa Diyos at sa kayamanan.

25 “Kaya’t sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mabalisa tungkol sa inyong kakainin at sa inyong iinumin upang kayo’y mabuhay o kaya’y tungkol sa susuutin ng inyong katawan. Hindi ba’t ang buhay ay higit na mahalaga kaysa pagkain at ang katawan kaysa damit? 26 Masdan ninyo ang mga ibon. Hindi sila nagtatanim ni umaani man o kaya’y nagtitipon sa kamalig, ngunit pinapakain sila ng inyong Ama na nasa langit. Hindi ba’t higit kayong mahalaga kaysa mga ibon? 27 Sino sa inyo ang makakapagpahaba ng kanyang buhay nang kahit isang oras sa pamamagitan ng kanyang pagkabalisa?

28 “At bakit kayo nababalisa tungkol sa pananamit? Isipin ninyo kung paano tumutubo ang mga bulaklak sa parang; hindi sila nagtatrabaho ni gumagawa ng damit. 29 Ngunit sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon na napakayaman ay hindi nakapagdamit ng singganda ng isa sa mga bulaklak na ito. 30 Kung dinaramtan ng Diyos ang damo sa parang, na buhay ngayon, at kinabukasan ay iginagatong sa kalan, kayo pa kaya? Kay liit ng inyong pananampalataya sa kanya!

31 “Kaya’t huwag kayong mag-alalang baka kayo kapusin sa pagkain, inumin o damit. 32 Hindi ba’t ang mga Hentil ang nababahala tungkol sa mga bagay na iyan? Alam na ng inyong Ama na nasa langit na kailangan ninyo ang lahat ng iyan. 33 Ngunit higit sa lahat ay pagsikapan ninyo na kayo’y pagharian ng Diyos e at mamuhay nang ayon sa kanyang kalooban, at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng inyong pangangailangan.

34 “Kaya nga, huwag ninyong ikabalisa ang para sa araw ng bukas; dahil ang bukas ang bahala sa sarili nito. Sapat na ang inyong mga suliranin sa bawat araw.”



Mga Tanong Tungkol sa Teksto

  1. Maaari bang paglingkuran ng sabay ang Diyos at kayamanan?
  2. Paano ito isinalarawan ni Jesus?
  3. Kung pagsisilbihan mo ang Diyos, mamo-mroblema ka ba ayon kay Jesus?
  4. Ano ang dahilan at hindi mamo-mroblema ang isang taong naninilbihan sa Diyos?
  5. Anong mga bagay ang hindi dapat problemahin, ayon kay Jesus?
  6. Ang pagkain ba kung tutuusin ay kanino nagmumula?
  7. Ano ang dahilan at noong panahon ni Jesus ay pino-problema ang damit? 1
  8. Ano ang ginagawa ng Diyos para sa mga ibon ng himpapawid at mga bulaklak sa parang?
  9. Sa buhay, ano ang dapat unahin, ayon kay Jesus?

Para Sa Mas Malalim na Pag-unawa

1. Ang “mammona” ay salitang Aramaico para sa kayamanan. Sa anong paraan nagiging sagabal ang kayamanan sa pagpapasakop ng buo sa Diyos?

2. Pansinin na sinasabi ni Jesus na huwag problemahin ang damit at pagkain. Ang damit para sa Judio ay nagpapakita ng kalagayan ng isang tao sa lipunan. Ito’y “status symbol”.

3. Basahin ang mga sumusunod na talata at alamin kung paanong nakakatulong ang mga ito sa pag-unawa ng Mateo 6:25-34:

  • kaharian ng Diyos/langit
    • 5: 3, 10, 19, 20
    • 6:10
  • katuwiran-katarungan-kalooban ng Diyos
    • 3:15,
    • 5:6, 10, 20
    • 6:1


  1. Sapagka’t ito ang nagpapakita kung sino ka sa harap ng lipunan

Leave a Reply

*

AWSOM Powered